Magsino

Murang pabahay para sa OFWs inilunsad

Mar Rodriguez Apr 30, 2023
3929 Views

Magsino1Magsino2Magsino3INILUNSAD ang “Pambansang Pabahay Program para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ng One Filipino Worldwide (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes para sa murang pabahay para sa mga libo-libong Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat.

Ikinasa ang nasabing proyekto sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Mall Manila Bay. Sa pamamagitan ng isinagawang “Memorandum of Agreement” o paglagda sa isang kasunduan sa pagitan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Sec. Jose Rizalino “Jerry” Acuzar at OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Magsino na malaking tulong para sa mga OFWs ang binalangkas at ikinasang “partnership” sa pagitan ng DHSUD at OFW Party List Group. Sapagkat tutuparin ng itinatag at binuong kasunduan ang pangarap ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad na magkaroon ng kanilang sariling bahay sa tulong ng DHSUD.

Ipinaliwanag ni Magsino na sa kabila ng napakalaking sakripisyo na ibinibigay ng mga OFW’s para sa kanilang pamilya at malaking kontribusyon din nila sa ekonomiya ng Pilipinas. Panahon na aniya upang magkaroon ang mga ito ng isang disenteng tahanan para sa kanilang pamilya sa halagang hindi magpapabigat sa kanila o presyong abot kaya ng mga mga OFWs.

Ayon kay Magsino, ang DHSUD umano ang magbibigay ng detalye patungkol sa housing project para sa mga OFWs kung saan, ang OFW Part List naman ang magiging kaakibat ng nasabing ahensiya para sa mga Pilipinong manggagawa sa abroad na nagnanais magkaroon ng kanilang sariling tahanan o nais maging benepisyaryo ng programang pabahay.

Nabatid pa sa kongresista na nagsimula na o ongoing na aniya ang housing project para sa mga OFW’s sa Bacolod City Marikina City, Quezon City, Tanauan Batangas, Palayan City, Zamboanga City, Iligan City, Roxas at Northern Samar provinces.

Sinabi din ni Magsino na ang inilunsad nilang proyekto para sa mga OFWs ay upang tulungan sila na makapag-pundar ng kanilang sariling tahanan para sa kanilang mga pamilya at upang paghandaan din ang kanilang retirement dito sa Pilipinas.

Ipinagmalaki din ni Magsino na ang maturang proyekto ay isang malaking “accomplishment” ng OFW Party List sa unang termino nito sa ilalim ng 19th Congress. Kasunod ng pagpapasalamat nito sa suportang ibinibigay naman ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. Sa mga OFWs.

“Malaking para sa ating mga OFW’s itong MOA signing para sa pambansang pabahay project. Unang una, nagpapasalamat tayo kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at Secretary Acuzar dahil sa agarang aksiyon para naisakatuparan ang isa sa pinaka-munting pangarap ng ating mga OFW’s ang magkaroon ng kanilang sarili at disenteng tahanan. Panahon na para magkaroon sila ng kanilang sariling tahanan dahil napaka-laki ang kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya,” sabi ni Magsino sa inilunsad na MOA signing ngayong araw.

Idinagdag pa ni Magsino na katulad ng mga housing project ng pamahalaan para sa mga uniformed personnel gaya ng mga sundalo at pulis. Layunin din nila na magkaroon ng proyektong pabahay para sa mga OFW’s para magkaroon ng bunga ang malaking sakripisyo na ginagawa ng mga ito upang mabigyan nila ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya.