Belmonte

20% discount para sa mga registered solo parents sa QC muling ipinaalala ni Mayor Joy Belmonte

Mar Rodriguez May 5, 2023
176 Views

MULING ipinaalala ni Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte sa mga may-ari ng restaurants, fastfood chains at iba pang establishments ng Lungsod na kailangan nilang ipatupad ang 20% discount para sa mga “registered solo parents”.

Sinabi ni Mayor Belmonte na mahigpit na ipinatutupad ng QC government ang city ordinance kaugnay sa implementasyon ng 20% discount para sa mga registered solo parent na epektibo kada una at huling Linggo (Sunday) ng bawat buwan.

Ipinaliwanag ng city mayor na ang pagpapatupad ng discount para sa mga solo parents ay nakapaloob sa Ordinance SP No. 2766, S-2018 na isinulong naman ni 4th Dist. Councilor Raquel Malangen.

Sinabi pa ni Belmonte na ibinaba na ng Business Permits and Licensing Department (BPLD) sa mga may-ari ng business establishments ang nasabing ordinansa. Kung kaya’t obligado ang mga ito na sundin ang itinatakda ng batas hinggil sa pagbibigay ng 20% discount para sa mga registered solo parents. \

“Itong batas na 20 percent discount every first and last Sunday, ginawa namin ang Implementing Rules and Regulations. Ibinigay na namin sa Business Permits and Licensing Department (BPLD), Ibinaba na po iyan sa lahat ng business establishments” pahayag ni Mayor Belmonte.

Nanawagan din ang lady mayor sa mga mamamayan ng lungsod na isumbong ang mga establishments na hindi sumusunod sa itinatakda ng Ordinansa sa pamamagitan ng pagtawag sa “Helpline 122”. Kasabay ng kaniyang paalala sa BPLD na mahigpit na i-monitor ang mga business establishments kung sinusunod ba ng mga ito ang nasabing batas.

“Ano ang ating magiging tungkulin? Isumbong ang mga establishments na hindi tumutupad sa itinatakda ng ating batas. Saan sila isusumbong? Sa Helpline 122” sabi pa ni Belmonte.

Nabatid pa kay Belmonte na ang mga business establishments na lumabag at hindi sumunod ay patawan ng kaukulang parusa. Kung saan, sa first offence ay makakatanggap ng written warning mula sa QC Social Services Development Department (QC-SSDD) BPLD ang may-ari. Sa second offence naman ay may multang P2,000. At mumultahan naman ng P5,000 at cancellation o revocation ng business permit naman ang may-ari ng business establishment sa ikatlong offence nito.

“For first offence. Violators will receive a written warning from the SSDD or the BPLD. A fine of P2,000 will be imposed for the second offence and a P5,000 fine and a cancellation or revocation of business permit for the third offence,” ayon pa kay Mayor Belmonte.