Gatchalian

Palakasin ang kakayahan ng LGUs na paghandaan ‘extreme weather events’ —Gatchalian

156 Views

NAIS ni Senator Win Gatchalian na maging mas mahusay ang mga local government units (LGUs) sa kanilang disaster-preparedness program upang pagaangin ang epekto ng extreme weather conditions. Nitong buwan lang ay nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng El Niño, na hindi lang tagtuyot ang dulot kundi maaari ring magdala ng mas maraming ulan sa bansa.

Sinabi ni Gatchalian na nais niyang magkaroon ng higit na kalayaan ang mga LGU sa pagpapatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kanilang kahandaan sa kalamidad, mitigation response, at rehabilitation capabilities. Upang maisagawa ito, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 939 o mas kilala bilang The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Binigyang-diin niya na habang pinapahintulutan na ng RA 10121 ang paggamit nila ng kanilang calamity fund para sa mga programang nagpapahusay sa kanilang kahandaan sa mga sakuna, may mga kaso na kung saan may ilang LGU ay hindi nakakakuha ng karagdagang manpower na magbibigay-daan sa kanila na magkaroon ng sapat na pagtugon sa mga apektadong mamamayan sa panahon ng kalamidad, sabi ni Gatchalian. Aniya, ang mga pagsisikap sa disaster-mitigation ay lubos na mapapabuti kung ang mga LGU ay may sapat na pondo upang makapagsagawa ng infrastructure projects na magiging proteksyon laban sa mga sakuna.

Upang matugunan ang mga naturang isyu, ang panukalang batas ni Gatchalian ay naglalayong gamitin ang LDRRM Fund sa pagtustos ng mga proyektong pang-imprastraktura na dinisenyo upang pagaangin ang epekto ng mga natural na kalamidad, mabayaran ang mga obligasyon na natamo sa pagpopondo ng mga proyekto na may kaugnayan sa paghahanda sa sakuna, at makakuha ng mga kinakailangang tauhan tungo sa pagpapatupad ng mga programa.

Kasunod ng paglabas ng PAGASA ng El Niño alert ang paglunsad nito ng P1.2 bilyon na impact-based forecasting project na naglalayong magbigay ng data na makakatulong sa mga awtoridad sa paggawa ng kinakailangang aksyon bilang tugon sa mga panganib.

“Ang epekto ng mga kalamidad na kagaya ng El Nino at iba pang mga sakuna ay maiiwasan kung bibigyan natin ang mga LGU ng kakayahan na mapalakas ang kanilang abilidad na makapagsagawa ng mga proyekto kabilang na ang pagpapatayo ng mga imprastraktura na makakatulong sa kanila sa oras ng kalamidad at iba pang sakuna,” dagdag ni Gatchalian.

Ang El Nino phenomenon, na nagdudulot ng mas tuyo na kondisyon ng panahon ay maaaring magdulot ng mga panganib sa seguridad ng pagkain habang ang mga magsasaka ay nakikipagbuno sa mababang kondisyon ng pag-ulan at maaaring makaapekto sa mga ekonomiya ng buong mundo.