Gatchalian nabahala dahil sa gulo sa GCash

168 Views

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga gumagamit ng financial technology (fintech) na gamitin ang mga hakbang na itinakda sa Republic Act No. 11765 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act at ang mga implementing rules and regulation nito kasunod ng pagtatangka ng mga cyber criminal na kumuha ng pera mula sa GCash.

“Nababawasan ng mga insidenteng tulad nito ang kumpiyansa ng mga consumer hindi lamang sa paggamit ng fintech sa kanilang pang-araw-araw na transaksyon kundi pati na rin sa sistema ng pananalapi ng bansa sa pangkalahatan na maaaring makahadlang sa paglago ng ekonomiya,” diin ni Gatchalian.

Aniya, ang pinaigting na consumer protection ang pangunahing layunin ng R.A. 11765, na inakdaan ng senador. Ang batas ay naglalayong protektahan ang mga mamimili mula sa mga manloloko sa pananalapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga regulator na maging proactive na tumugon at mag-set up ng mga hakbang na magreresolba sa mga isyu ng mga consumers.

Binanggit ng senador ang mga probisyon mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas’ Circular No. 1160 na dapat agad na i-report ng mga biktima ang anumang hindi awtorisadong transaksyon sa kanilang mga bangko o anumang financial institution upang agad na maimbestigahan ang insidente. Habang nakabinbin ang resulta ng pagsisiyasat, ang mga nagrereklamo ay protektado dahil ang mga institusyong pampinansyal ay binibigyang kapangyarihan na magsagawa ng mga kinakailangang aksyon upang protektahan ang interes ng mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibigay ng makatwirang mga regulasyon tulad ng pag-block ng account o pag-freeze ng pondo.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang GCash at iba pang fintech platforms ay dapat na aktibong tinitiyak na ang mga ordinaryong produkto at serbisyo sa pananalapi ay sapat na protektado mula sa pag-hack, panloloko, at iba pang cybercrimes. Batay sa mga ulat, maraming mga gumagamit ng GCash ang nagreklamo ng mga hindi awtorisadong cash transfer mula sa kani-kanilang mga account na nagdulot ng pagkabalisa at pagkalito.

“Kailangang siguruhin ng mga online payment services ang kaligtasan at seguridad ng pinaghirapang pera ng mga consumers para magkaroon ng kompyansa ang ating mga kababayan,” Gatchalian said.