Frasco

‘Tourism branding’ ng DOT mas lalong magpapa-angat sa kalidad ng turismo sa Pilipinas — Madrona  

Mar Rodriguez May 13, 2023
124 Views

NANINIWALA ang House Committee on Tourism na lalong magpapaangat sa kalidad ng turismo sa Pilipinas ang pinaplano ni Department of Tourism (DOT) Secretary Maria Christina Garcia-Frasco na magkaroon ang ahensiya ng “tourism branding” upang mas makahikatay pa ng mga dayuhang turista.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, na katulad ng inilabas na branding ng administrasyong Marcos, Jr. na tinatawag na “We are Filipinos. We give the world our best”, ganito rin umano ang branding na maaaring ilabas naman ng DOT para sa mga dayuhang bibisita sa bansa.

Sinabi ni Madrona na “tatak Pinoy” at kilala ang mga Pilipino sa pagbibigay ng natatangi at hindi matatawarang serbisyo na hindi lamang kumakatawan sa mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) kundi maging sa kalidad ng serbisyong ibinibigay naman ng mga Pilipino sa mga dayuhang bumibista sa bansa.

Binigyang diin ni Madrona na kilalang-kilala ang mga Pilipino sa pagiging “hospitable” o maasikaso hindi lamang sa mga kababayan nito kundi maging sa mga dayuhan. Kung kaya’t naniniwala ang mambabatas na mas lalong makakahatak ng foreign tourist ang ilalabas na branding ng DOT.

Idinagdag pa ng kongresista pinaplano pa lamang umano ng DOT ang paglalabas nito ng branding. Subalit ipinahayag ni Madrona na suportado ng kaniyang Komite ang anomang plano ng ahensiya para mas lalo pang makahikayat ng mga dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas

Gayunman, sinabi pa ni Madrona na ang naturang branding ng administrasyong Marcos, Jr. na kumakatawan sa mga OFW’s ay maaaring pumatungkol narin sa Philippine tourism dahil na rin sa kalidad ng serbisyo na ibinibigay ni Secretary Frasco para makahikayat ng mga dayuhang turista.

Nauna rito, ipinahayag nina Madrona at House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V ang kanilang kolektibo at nagkaka-isang suporta para kay Frasco batay sa House Resolution No. 810 na inihain nila sa Kamara de Representantes.

Sinabi ng dalawang kongresista na mula ng italaga at maupo si Frasco sa Tourism Department ay malaki ang iniunlad ng turismo ng Pilipinas na makikita naman sa mga pinaka-huling datos. Kung saan, umabot sa 1.7 milyong dayuhan ang dumating sa bansa mula noong 2022.