OFW Hospital bill pasado sa House Ways and Means Committee

Mar Rodriguez May 16, 2023
416 Views

PUMASA na sa House Ways and Means Committee ang panukalang batas na inakda ni House Senior Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na naglalayong magtayo ng isang ospital para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) na tatawaging OFW Hospital.

Sinabi ni Macapagal-Arroyo na ang “substitute bill” ng kaniyang panukalang batas ay parehong nakapasa na sa House Committee on Appropriations at House Committee on Health para magkaroon ng sariling pagamutan ang mga OFW’s.

Ipinaliwanag ng dating Pangulo na sakaling maitayo ang OFW Hospital. Maibibigay nito ang iba’t-ibang serbisyong medical para sa mga Pilipinong manggagawa kabilang na ang kanilang mga pamilya.

Ikinagalak naman ni One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagsusulong ni Macapagal-Arroyo ng panukalang batas na nagtataguyod sa kapakanan ng libo-libong OFWs.

Sinabi ni Magsino na napakalaking tulong para sa mga OFWs ang pagkakaroon nila ng sariling ospital sapagkat pinatutunayan lamang umano nito na binibigyang halaga ng pamahalaan ang hindi matatawang serbisyo ng mga OFWs.