Calendar
PBBM inaprubahan importasyon ng 150,000MT ng asukal
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-angkat ng 150,000 metriko tonelada ng asukal upang mapanatiling mataas ang suplay ng bansa at maiwasang sumirit ang presyo nito.
“We agreed to additional importation of sugar to stabilize the prices. Maximum amount will be 150,000 MT but probably less,” sabi ni Pangulong Marcos matapos ang pakikipagpulong nito kina SRA Acting Administrator Pablo Luis Azcona at Board Member Ma. Mitzi Mangwang.
Nasa pagpupulong din sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at SRA Board Secretary Rodney Rubrica.
“The exact amount will be determined once we have determined the exact amount of supply, which will come at the end of this month,” ani Pangulong Marcos.
Bubuksan umano ng gobyerno ang pag-angkat sa lahat ng sugar trader.
Sa pagtataya ng SRA kukulangin ang lokal na suplay ng asukal para mapunan ang 3.1 milyong metriko tonelada para sa buong taon.
Pinag-aaralan din ng gobyerno ang paglilipat ng milling season ng asukal sa Setyembre sa halip na sa Agosto na magdaragdag umano ng 10 porsyento sa produksyon.
Paliwanag ni Azcona sa pamamagitan ng paglilipat ng milling season ay maiiwasan ang paggapas ng mga batang tubo kaya mas darami ang malilikha ditong asukal.