Ferdinand Martin G. Romualdez Sinabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na dahil sa suporta ng iba’t ibang partido sa liderato ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay naipasa ng Kamara ang mga panukala na nais maisabatas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kasama na dito ang Maharlika Investment Fund (MIF).

Speaker Romualdez nakatuon sa trabaho

116 Views

SA halip na pumatol sa mga patutsada ni Vice President Sara Duterte, itinuon umano ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang atensyon sa trabaho upang maipasa ang mga panukalang batas na kailangan upang mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.

Ito ang sinabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. kasabay ng kanyang pagpuri kay Romualdez na hindi umano nito narinigan ng anumang masamang salita laban kay Vice President Sara Duterte.

“The Speaker held his horses and remained focused on his job as the leader of the House of Representatives amid this political rift. He never fired back with insults of his own. That shows strength of character,” sabi ni Barzaga, chairman ng House Committee on Natural Resources.

Sinabi ni Barzaga na dahil sa suporta ng iba’t ibang partido sa liderato ni Romualdez ay naipasa ng Kamara ang mga panukala na nais maisabatas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kasama na dito ang Maharlika Investment Fund (MIF).

Iginiit ni Romualdez na hindi kailangan ng bansa ngayon ang bakbakan sa politika lalo at ang itinaguyod ni Marcos noong kampanya kasama si Duterte ay ang pagkakaisa.

Si Duterte ay nagbitiw sa Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), ang partido na nagdala sa kanya noong halalan. Si Romualdez ang pangulo ng Lakas-CMD.

Sinabi ni Barzaga na grabe ang pagtulong na ginawa ni Romualdez sa kandidatura ni Duterte noong nakaraang halalan.

“The Speaker worked hard for then Davao City Mayor Sara Duterte’s vice presidential bid because he genuinely believed that she would make a difference. Their rift is sad news and I hope that it will be mended soon,” sabi pa ni Barzaga.

Sa isang event noong Lunes, sinabi ni Duterte na sinadya nitong hindi banggitin ang middle initial ng Pangulo.

Ang ina ng Pangulo ay si dating first lady Imelda Romualdez-Marcos, na tiyahin ni Speaker Romualdez.

“Hindi ko na banggitin ang middle initial niya… Mahal ko si apo BBM (I will not mention his middle initial… I love apo BBM),” sabi ni Duterte.

Sa gitna ng balitang kudeta sa liderato ng Kamara noong nakaraang buwan, nag-post ng kakaibang mensahe si Duterte sa kanyang social media account na binash dahil hindi umano ito angkop na gawin ng isang kalihim ng Department of Education.

“In your ambition, do not be tambaloslos,” sabi ni Duterte na hindi binanggit kung sino ang kanyang pinatutungkulan.