Calendar
Speaker Romualdez pinuri community pantry para sa Mayon evacuees
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang tanggapan ni Albay 3rd District Rep. Fernando “Didi” Cabredo sa plano nitong pagtatayo ng community pantry para sa mga inilikas kaugnay ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Gagamitin ng tanggapan ni Cabredo ang P500,000 cash assistance na nanggaling kina Speaker Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa itatayong community pantry na magbibigay ng libreng makakain at iba pang pang-araw-araw na gamit sa mga nasalanta.
Ayon sa tanggapan ni Cabredo, ang proyekto ay tatawagin nilang “Community Pantry nina Speaker and Cong Didi”.
“It’s very heartwarming to see the return of the community pantry during this situation in Albay. Community pantries symbolized malasakit and hope for Filipinos during the early days of the Covid-19 pandemic. I am happy and humbled to serve as an instrument of this laudable initiative that would benefit the evacuees,” ani Speaker Romualdez.
Ang community pantry ay sumikat sa bansa noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic kung kailan marami ang nawalan ng trabaho. Ang mga pumupunta sa community pantry ay nakakakuha ng libreng makakain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
“We learned that Cong. Cabredo intends to buy vegetables from farmers affected by Mayon’s outbursts and give these away for free to evacuees via the planned community pantry. This is definitely worth emulating as it would maximize the number of people who would benefit from this initiative,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Bukod sa distrito ni Cabredo, naapektuhan din ng pag-aalburuto ng Mayon ang mga constituent nina Albay 1st district Rep. Edcel Lagman at 2nd district Rep. Joey Salceda.
Ang bawat distrito ay nakatanggap din ng P500,000 halaga ng relief goods bukod sa tig-P500,000 cash assistance mula kay Romualdez. Galing ang pondo sa personal disaster relief fund ni Speaker.
Inasikaso rin ng tanggapan ni Speaker Romualdez ang pagpapalabas ng tig-P10 milyong cash assistance sa bawat distrito sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inendorso rin ni Speaker Romualdez sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang hiling ni Salceda na P10 milyong tulong sa kanyang mga constituent sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) cash-for-work program.