Calendar
PBBM: Pag-aralan pagtatayo ng imbakan ng palay, mais
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na pag-aralan ang pagtatayo ng mga silo na maaaring pag-imbakan ng palay at mais.
Layunin umano ng imbakan na mayroong suplay ng bigas at mais sa bansa na tatagal ng 30 araw.
“We should really look into it because it’s a successful program,” ani Pangulong Marcos sa pakikipagpulong nito sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Agriculture group sa Malacañang.
Ayon kay Aileen Christel Ongkauko, ng La Filipina Uy Gongco Corp., at siyang lider ng PSAC Agriculture group, ang naturang sistema ay hindi na bago at ginagawa na sa ibang bansa gaya ng China, Estados Unidos, at India.
Sa ilalim ng panukala g PSAC, 30 “mother” stations ang itatayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang bawat “mother” ay mayroong 10 “daughter” station na itatayo 30 kilometro ang layo mula sa pangunahing imbakan.
Kapag napuno ang mga ito, magkakaroon ang bansa ng dagdag na 30 araw na suplay ng bigas at mais.
Aabot umano sa P170 bilyon ang kakailanganing pondo sa naturang proyekto.