Rubio

Ipupuslit na tarantula naharang ng BOC

142 Views

NAHARANG ng Bureau of Customs- Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang isang package na naglalaman ng apat na ulo ng tarantula na idineklarang Snacks – Sweet Salted Fish.

Wala umanong kaukulang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga tarantula na ipadadala sa Seoul, South Korea.

Ang package ay inihulog umano ng isang residente ng Caloocan City sa Central Mail Exchange Center (CMEC) noong Hunyo 19.

Nakita umano ang kahina-hinalang laman ng package sa x-ray inspection kaya ito ay binuksan ng mga tauhan ng Enforcement and Security Service – Environmental Protection and Compliance Division (ESS-EPCD) at DENR sa NAIA.

Ang hindi otorisadong pagpapadala ng mga tarantula ay paglabag umano sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Pinuri naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang maigting na pagbabantay ng mga tauhan ng ahensya sa mga import at export transaction.