BBM2

PBBM: Pakikipag-usap sa China may positibong resulta

Neil Louis Tayo Jun 21, 2023
146 Views

MAYROONG nakikitang positibong resulta si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pakikipag-usap ng gobyerno sa China kaugnay ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Pangulong Marcos kung dati ay hinaharang ng mga barko ng China ang mga sasakyang pangdagat ng Pilipinas, ngayon ay sumusunod na lamang ang mga ito.

“Iyong latest na report ay sinundan na lang. Hindi na kagaya ng dati na talagang hinaharang. So there’s a little progress there,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na inaasahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na darami na ang huli ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar bilang resulta ng pakikipag-usap ng administrasyon sa China.

“That is because we are continuing to talk to the Chinese government, to President Xi in every way para nga ang inuna ko talaga noong kami’y nagkita ay sinabi ko unahin na lang natin ‘yung fisheries,” sabi ng Pangulo.

Sa naturang pag-uusap napagkasunduan nina Pangulong Marcos at Xi na paigtingin ang koordinasyon sa pinag-aagawang teritoryo.

“So that slowly, slowly… Alam mo na, these things do not come very quickly. Slowly, slowly… But we are slowly making progress because the key to that was really the improved communication between the Philippine government and the Chinese government,” dagdag pa ng Pangulo.

Noong Enero nag-state visit si Pangulong Marcos sa China.