Philhealth

Hemodialysis coverage ng PhilHealth pinalawig sa 156 sessions

Neil Louis Tayo Jun 22, 2023
128 Views

DINAGDAGAN ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang hemodialysis coverage nito at ginawang 156 sessions simula Hunyo 22.

Naglaan ang PhilHealth, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng P21 bilyon para sa dagdag na serbisyong kaloob nito.

Ayon kay PhilHealth Corporate Affairs Group Acting Vice President Rey Baleña nakasaad ito sa PhilHealth Circular 2023-0009 at batay sa pondong inilaan sa General Appropriations Act of 2023.

Ang PhilHealth ay nagbabayad ng P2,600 kada sesyon ng hemodialysis o P234,000 para sa dating 90 sessions kada taon. Dahil sa pagtaas ng coverage aabot sa P405,600 ang maaaring gastusin ng PhilHealth kada pasyenteng may chronic kidney disease stage 5 (CKD5) kada taon.

Upang makapagpa-dialysis ang isang pasyente ay dapat nakalista sa PhilHealth dialysis database, at mayroong rekomendasyon mula sa doktor na kailangan itong i-dialysis.

Hindi na nakapagtatrabaho ng mabuti ang bato ng isang pasyenteng may CKD kaya kailangan itong i-dialysis upang maalis ang lason sa dugo nito.