Calendar
OFW Party List isinulong proteksyon sa mga anak ng mga OFWs na naiwan sa Pinas
PORMAL ng isinulong ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na naglalayong ma-protektahan at mapangalagaan ang anak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiwan dito sa Pilipinas habang sila’y nagta-trabaho sa abroad.
Inihain ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang House Bill No. 8560 naglalayong maisa-ayos o ma-institutionalize ang mga mekanismo sa ilalim ng “Parens Patriae doctrine” upang mabigyan ng proteksiyon ang anak ng mga OFWs habang sila ay nasa ibang bansa.
Inihalimbawa ni Magsino na noong nakaraang March 2023, isang Filipina OFW na nagta-trabaho sa Saudi Arabia ang namatayan ng apat na anak na nasa gulang na 5, 6, at 14 kung saan ang live-in partner ng Pinay OFW ang gumawa ng karumal0dumal na krimen matapos niya itong pagsasak-sakin.
Bukod dito, inilahad din ni Magsino noong nakaraang November 2022. Ang dalawang babaeng anak ng isang OFW na nagta-trabaho sa Middle East ay walang habas na hinalay naman ng kaniyang boyfriend.
Dahil sa mga kahambal-hambal na pangyayaring ito, sinabi ni Magsino na agad na kumilos ang Department of Migrant Workers (DMW) para mag-balangkas ng kaukulan at nararapat na aksiyon laban sa mga ganitong trahedya na sinasapit ng anak ng mga OFWs sa kamay ng mga “inaakala” nilang guardians.
“The urgency of this legislation arises from the vulnerability of children. Particularly minors to various forms of violence, exploitation and abuse that may occur in their surroundings when their parent or both parents are toiling hard abroad,” Paliwanag ni Magsino.
Sinabi pa ni Magsino na sa halip na alagaang mabuti ng mga guardians ang anak ng mga OFWs na ipinagkatiwala sa kanila ay dumaranas pa ang mga bata ng sobrang kaapihan at pang-aabuso sa kamay nila na lingid naman sa kaalaman ng mga magulang ng mga bata na nagta-trabaho sa ibayong dagat.
Nabatid din kay Magsino na ang pagsusulong niya ng naturang panukalang batas ay alinsunod narin sa mga natatanggap nilang report kaugnay sa nagaganap na pang-aabuso, pagmamaltrato at kaapihan ng mga anak ng mga OFWs na iniwan sa isang guardian subalit hindi naman talaga nila naaalagaan.
“We want a mechanism in place wherein government can check the welfare of the children periodically to ensure they are being treated properly by the guardians especially when both parents are OFWs,” Ayon kay Magsino.