Congressman Eleandro Jesus

Rep. Frasco,Madrona: Bagay sa mga Pilipino ang bagong slogan ng DOT

Mar Rodriguez Jul 1, 2023
208 Views
Sec. Christina Garcia Frasco
Si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco kasama ang kanyang kabiyak na si Tourism Sec. Christina Garcia Frasco

NANININDIGAN ang House Committee on Tourism at si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na angkop ang slogan ng Tourism Department na “Love the Philippines” dahil sinasalamin nito ang totoong karakter at mayamang kultura ng mga Pilipino.

Binigyang diin nina Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairperson ng Committee on Tourism sa Kamara, at Congressman Frasco na tamang-tama lamang umano ang pagkakapili sa slogan ng Department of Tourism (DOT) sapagkat ito ang nagpapakilala sa karakter ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag nina Madrona at Frasco na hindi lamang kasiyahan o fun ang binabalikan at hinahabol ng mga dayuhan o foreign tourist sa Pilipinas. Kundi ang pagiging hospitable o magaling makisama ng mga Pilipino kabilang na dito ang mayamang kultura ng bansa.

Sinabi pa ng dalawang kongresista na tumatanim sa puso at tumatatak sa isipan ng bawat dayuhang bumibisita sa bansa ang napaka-maayos na pag-aasikaso o pagiging hospitable ng mga Pilipino habang sila’y naririto sa Pilipinas. Kaya maaaari nilang masabi ang mga katagang “Love the Philippines”.

Ikinatuwiran din nina Madrona at Frasco na mababaw lamang ang kahulugan ng dating slogan ng Tourism Department na “It’s more Fund in the Philippines”. Sapagkat hindi lang naman kasiyahan (fun) ang maaaring mag-hikayat sa mga dayuhan na bumalik ulit sa Pilipinas kundi ang affection o pagmamahal na natikman nila mula sa mga Pilipino umasikaso sa kanila.

Ang naging pahayag ng dalawang mambabatas ay bilang sagot lamang sa mga ibinabatong kritisismo ng ilang indibiduwal patungkol sa nasabing slogan ng DOT. Kung saan, ipinahayag pa nina Madrona at Frasco na dapat pa nga ay maging proud ang mga Pilipino sa bagong slogan ng Tourism Department dahil ipinapakita nito ang kakaibang ugali o karakter ng mga Pilipino.

Nauna rito, ikinagalak ni Madrona ang inilunsad na bagong slogan ng Department of Tourism (DOT) na nagpo-promote ng Philippine tourism sa international community na ipinalit sa dating slogan nito na “It’s more fun the Philippines”.

Sinabi ni Madronana mas malalim aniya ang kahulugan ng bagong slogan ng Tourism Department na “Love the Philippines” kumpara sa dating slogan nito dahil ang bagong branding at slogan ng DOT ay tumatagos sa puso ng bawat Pilipino.

Sapagkat inilalarawan nito ang natatangi o unique na katangian ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagiging hospitable at magalang nito sa mga lokal at dayuhang bumibista sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Madrona na ang bagong slogan na “Love the Philippines” ay hindi lamang magpapa-angat sa turismo ng bansa. Bagkos, mas lalo pa nitong maipapakilala ang mga Pilipino bilang pinaka-mahusay sa pag-estima o pag-asikaso ng mga bisita maging lokal man o banyaga.