Calendar
Bagong Pilipinas slogan ng PBBM admin suportado ni Valeriano
SINUSUPORTAHAN din ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang “Bagong Pilipinas” promotional slogan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na naglalarawan sa pagkaka-isa ng mga Pilipino.
Binigyang diin ni Congressman Valeriano na ang anumang logo o promotional brand ay nagsisilbing “star guide” ng isang administrasyon sapagkat ipinapakita dito ang direksiyon na tatahakin ng pamahalaan para paglingkuran ang mamamayan sa pamamagitan ng mga programa at proyekto nito.
Dahil dito, ikinatuwiran ni Valeriano na maganda ang hangarin ng bagong slogan ng pamahalaan. Kung saan, ipinapakita umano nito ang mga programa at proyektong isusulong ng administrasyong Marcos, Jr. para pagsilbihan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.
“Ang anomang slogan ay nagsisilbing star guide ng ating gobyerno. Ang kaniyang silbi ay nakasalalay sa pagsunod dito upang marating ang direksiyong tatahakin nito para pagsilbihan ang mamamayang Pilipino. Maganda ang hangarin ng bagong slogan ng ating pamahalaan,” ayon kay Valeriano.
Sinabi pa ng kongresista na inilalarawan din ng Bagong Pilipinas slogan ang goal na nais nitong tahakin sa pamamagitan ng unity o pagkakaisa, pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa at paglaban sa laganap na kahirapan o poverty kabilang na dito ang pagpapababa sa presyo ng mga basic commodities.
“With the Bagong Pilipinas slogan, our administration would like our government refreshed to succeed in unity to achieve a stronger economy where our poverty incidence lowers significantly the prices of basic commodities or goods that continue to fall and we recover from the slaps of the pandemic faster,” sabi pa ni Valeriano.
Nauna rito, kinagtigan din ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga ahensiya ng gobyerno na gamitin ang “Bagong Pilipinas” brand na naglalarawan sa komprehensibong pamumuno ng pamahalaan.
Sinabi ni Romero na angkop na angkop ang “Bagong Pilipinas” brand sa kasalukuyang pamahalaan para maipakita mismo ng administrasyong Marcos, Jr. sa Pilipino na seryso ang kaniyang liderato na paglingkuran ang interes ng mamamayan partikular na ang mga mahihirap na pamilya.
Ipinaliwanag ni Romero na napakahalaga din na maramdaman ng mga Pilipino ang de-kalidad na paglilingkod ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan lalo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensiya na nagsisilbi sa interes ng mahihirap na mamamayan.