Calendar
House Committee on Tourism optimistiko na magiging record breaker ngayong taon ang tourist arrivals
PAGKATAPOS ng matagumpay na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Bongbong Marcos, Jr. Optimistiko naman ang House Committee on Tourism na magiging “record breaker” ngayong taon ang tourist arrivals. Matapos itala ng Tourism Department na nasa 3,017,224 dayuhang turista ang bumisita o nagbakasyon sa Pilipinas sa loob lamang ng pitong buwan.
Dahil dito, bilang Chairperson ng Committee on Tourism, ikinagalak ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang lumolobong bilang ng tourist arrivals o pagdagsa ng mga dayuhang turista sa Pilipinas sa loob lamang ng nakalipas na pitong buwan at inaasahan nitong mas lalaki pa ang bilang nito bago matapos ang kasalukuyang taon.
Sinabi ni Congressman Madrona na nito lamang nakalipas na July 21, 2023. Ilang araw bago ang ikalawang SONA ni President Marcos, Jr. naitala aniya ng Department of Tourism (DOT) ang nasa 3,017,224 dayuhang turista na nagtungo sa bansa.
Ayon kay Madrona, inaasahan na 1.8 million na lamang ang kakailanganin bago makuha ng DOT ang target nitong 4.8 million tourist arrivals bago matapos ang kasalukuyang taon (2023).
Malaki ang paniniwala ni Madrona na ang naitalang record ng Tourism Department ay maliwanag na resulta ng ginawang pagsisikap ng nasabing ahensiya kabilang na ang House Committee on Tourism para maging isang “tourism powerhouse” sa buong Asia ang Pilipinas.
Nauna rito, naging puspusan ang pagsisikap ni Madrona na maisulong ang mga mahahalaga at makabuluhang panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong mai-deklara bilang pangunahing “tourist destination” ang iba’t-ibang makasaysayang lugar sa Pilipinas kasama na dito ang mga panukalang batas para naman maisa-ayos ang mga kalsada patungo sa mga nasabing lugar.
Muling naninindigan si Madrona na dahil sa magandang “showing” ng Philippine tourism sa usapin ng tourist arrivals, ang sektor ng turismo aniya ang ngsisilbing “economic backbone” ng bansa bunsod ng narin ng pagdagsa ng mga dayuhan na nagbibigay ng malaking kontribusyon sa kaban ng gobyerno.