Rodriguez

Hiling ng solon kay Duterte: 3 bakanteng puwesto sa Comelec punan

Mar Rodriguez Feb 25, 2022
269 Views

IGINIGIIT ng isang kongresista mula sa Mindanao kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na agad nitong punan ang tatlong bakanteng puwesto sa Commission on Elections (Comelec) bilang paghahanda sa natakdang halalan sa darating na Mayo 9.

Ipinaliwanag ni House Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na nalalapit na ang Mayo 9 kung kaya’t kailangan ng punan ang tatlong bakanteng posisyon sa Comelec upang matiyak na magiging malinis, payapa, tapat at maayos ang araw ng botohan.

“The May 9 elections are fast approaching and the Comelec needs all the help it can get. Like the appointment of additional members to ensure the holding of honest, peaceful and orderly balloting,” ayon sa mambabatas.

Sinabi pa ni Rodriguez na ang Comelec ay binubuo ng pitong miyembro at sa kasalukuyan ay mayroon lamang itong apat na kasapi. Kaya mas makakakilos ng mabuti ang Comelec kung mapupunan sa lalong madaling panahon ang tatlong bakanteng puwesto.

“Seven heads are better than four. Also it is the practice that a Commissioner handles at least 2 of the 16 regions of the country, and it will be difficult for only four Commissioners to handle the preparations and the elections in these 16 regions,” sabi pa ni Rodriguez.

Ayon sa kongresista, ang tatlong Komisyoner na ilalagay sa tatlong bakanteng puwesto ay kinakailangang may sapat na karanasan sa Batas at Information Technology. Higit sa lahat ay malinis ang record nito sa larangan ng serbisyo, sa pribado man o sa pampubliko.

“I wished that the new appointees have a sufficient background in Law and Information Technology. And have an unblemished integrity and record of public or private sector service,” dagdag pa nito.

Binigyang diin pa ni Rodriguez na malaki ang maitutulong ng mabilis na pagpuno sa tatlong bakanteng puwesto ng Komisyoner para sa Comelec bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa Mayo 9.

Sinabi ng Mindanao solon na ito ay sa harap ng kabi-kabilang reklamo kaugnay sa paglabag ng ilang kandidato sa health protocols na itinakda ng Comelec, paglabag sa alituntunin sa pagkakabit ng mga campaign posters, tarpaulins at iba pang election paraphernalia.