Martin

Kamara inaprubahan panukala na magpapasimple ng pagbebenta ng public agri lands

147 Views

SA botong 193 pabor, walang tutol at abstention, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukala na mag-aamyenda sa 87-anyos na Commonwealth Law upang maging mas simple ang pagbenta ng mga agricultural land na pagmamay-ari ng gobyerno.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, lider ng 312-miyembro ng Kamara, aamyendahan ng House Bill No. 7728 ang Section 24 ng Public Land Act of 1936 upang maging simple ang pagbenta ng lupang sakahan na pagmamay-ari ng gobyerno.

Ang Public Land Act of 1936 (Commonwealth) ay isang batas kaugnay ng klasipikasyon, delimitation, survey, at disposisyon ng mga lupa na maaaring ibenta o ilipat sa iba ang pagmamay-ari, ayon kay Speaker Romualdez, ang pinakamataas na lider ng Kamara na kumakatawan sa unang distrito ng Leyte.

Ang panukala ay inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa noong Mayo 30, bago mag-adjourn ang sesyon para sa break noong Hunyo.

Sa ilalim ng panukala, ang mga abiso para sa pagbebenta ay daraan sa DENR Central Office. Sa halip na anim na beses ilabas ang abiso, gagawin na lamang itong dalawang beses na dapat ilabas sa Official Gazette at dalawang pahayagan.

Ang isa sa mga pahayagan ay dapat nasa Metro Manila, at ang isa ay sa munisipyo o kalapit na probinsya kung saan matatagpuan ang ibinebentang lupa ng gobyerno.

Ang abiso ay dapat ding ilagay sa bulletin board ng DENR Main Office at sa provincial o municipal building kung saan matatagpuan ang lupang ibinebenta.

Kung ang halaga ng lupa ay hindi lalagpas ng P50,000, hindi na ito kakailanganing pang ilathala sa OG o pahayagan at kailangan na lamang ilagay ang abiso sa tatlong lugar—sa barangay, munisipyo, at sa lupang binibili o ibinebenta.

Ang abiso ay dapat nakasulat sa Ingles at sa lokal na diyalekto.

Ang aktwal na bentahan ay maaari ng mangyari pagkatapos ng 30 araw mula ng ilathala ang abiso, mas maikli kumpara sa kasalukuyang 60 araw.

Ang pagbebentahan ng lupa ng gobyerno ay ang nakapag-alok ng pinakamataas na presyo.

Kasama sa may-akda ng HB 7728 sina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Reps. Elpidio Barzaga Jr., Jurdin Jesus Romualdo, Alfelito Bascug, Eddiebong Plaza, Joseph Stephen Paduano, Carl Nicolas Cari, Zia Alonto Adiong, at Stephen James Tan.