Calendar
Paggamit ng mas malinis na NatGas kapalit ng coal bilang energy source, pasado na sa Kamara
PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang paggamit ng natural gas bilang kapalit ng coal sa paggawa ang kuryente.
Ang House Bill (HB) 8456 (Philippine Downstream Natural Gas Industry Development Act) na pangunahing akda ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay magtatayo ng Philippine Downstream Natural Gas Industry (PDNGI) para sa mas malawakang paggamit ng mas ligtas at malinis na natural gas.
Ang panukala ay inaprubahan sa botong 215 pabor at tatlong tutol.
“It’s high time that we enforce, implement, and use clean energy to mitigate the effects of climate change. We have to start now to veer away from the conventional but hazardous method of generating power, for the benefit of our future generation,” ani Speaker Romualdez, lider ng 312 miyembro ng Kamara.
Ang panukala ay naglalatag din ng mga polisiya upang mapalitan ng natural gas ang fossil fuel na ginagamit ng mga kasalukuyang planta.
Ilan sa mga may-akda ng panukala sina Reps. Lord Allan Jay Velasco, Rodante Marcoleta, Yedda Marie K. Romualdez, Jude Acidre, Joey Salceda, Wilter Palma, Jurdin Jesus Romualdo, Harris Christopher Ongchuan, Maria Carmen Zamora, Shernee Tan-Tambut, Noel Rivera, Jonathan Keith Flores, at Ralph Recto.
Ayon sa HB 8456 ang Department of Energy ang mangangasiwa at magbabantay sa implementasyon ng PDNGI gayundin sa mga itatayo at operasyon ng natural gas pipeline at mga kaugnay na pasilidad.
Ang panukala ay inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa noong Mayo 30, bago ang break ng sesyon.
Ang paggamit umano ng coal ay mayroong masamang epekto sa kalikasan. Nakadaragdag din ito sa paglikha ng acid rain, smog, at haze na nagdudulot sa tao ng mga sakit sa baga.
Nasa 65 porsyento ng kuryenteng kailangan ng bansa sa kasalukuyan ay nalilikha gamit ang coal kaya itinulak ng maraming mambabatas ang pagpasa ng panukala upang dumami ang mga planta na gumagamit ng natural gas at mahikayat ang mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa pagtatayo ng mga ganitong uri ng planta bansa.