Calendar
Agenda for Prosperity laman ng panukalang 2024 national budget
LAMAN umano ng panukalang 2024 national budget ang Agenda for Prosperity ng administrasyong Marcos.
Sa kanyang 46-pahinang budget message, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy ang pagsusulong nito sa planong economic transformation ng bansa na nakapaloob sa Philippine Development Plan (PDP) for 2023 to 2028.
Sinabi ng Pangulo na ang pagnanais na pag-unlad ng bansa ay makakamit sa pamamagitan ng pagpapalakas ng purchasing power ng publiko at pagpaparami ng mapapasukang trabaho at produkto, pagtatayo ng mga imprastraktura, pagpapaganda ng serbisyong naibibigay ng gobyerno, pagpapalakas sa implementasyon ng batas, at pagtugon sa hamon ng pagbabago ng klima.
Ayon sa Pangulo, ang panukalang P5.768 trilyong national budget para sa susunod na taon ay sumasalamin din sa eight-point Socioeconomic Agenda ng gobyerno na naglalayong patatagin ang ekonomiya, pagandahin ang kalusugan, at edukasyon, at kapakanan ng publiko.
Ang sektor umano ng edukasyon ang makakakuha ng pinakamalaking bahagi ng pondo na nasa P924.7 bilyon.
Ang food and water security sector ay mayroon namang P40.9 bilyon na nakakalat sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ang Build Better More Program ng administrasyon ay mayroon namang P 1.418 trilyon na nasa ilalim ng Department of Transportation at Department of Public Works and Highways.
Ang health sector ay mayroong P306.1 bilyon samantalang P1.008 trilyon naman ang mapupunta sa mga lokal na pamahalaan.
Ang labor and employment sector ay pinaglaanan ng P40.4 bilyon habang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development ay may P112.8 bilyon.