Martin1

Pangako ng Vietnam na magsuplay sa Pilipinas ng murang bigas nasungkit ni Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Aug 7, 2023
135 Views

JAKARTA, INDONESIA— Nasungkit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pangako mula sa Vietnam na magsuplay sa Pilipinas ng maaasahan at murang bigas.

Nakuha ni Speaker Romualdez ang commitment sa pakikipagpulong nito kay Vuong Dinh Hue, pangulo ng National Assembly of Vietnam sa bisperas ng pormal na pagbubukas ng 44th AIPA (ASEAN Parliamentary Assembly) General Assembly.

Nauna rito ay sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mag-aangkat ng bigas ang Pilipinas kung kukulangin ang lokal na produksyon nito sanhi ng pananalasa ng mga bagyo at banta ng El Niño phenomenon.

Nagpatupad din ng export ban sa bigas ang India, ang pinakamalaking exporter ng bigas na inaasahang makakaapekto sa suplay lalo na sa Africa at Asya.

Ang Vietnam ang pangunahing pinanggagalingan ng imported na bigas ng Pilipinas pero kung dito na rin umano kukuha ang iba pang bansa ay maaaring malimitahan ang maaari nitong ibigay.

Ang pangako umano ng Vietnam ay makatutulong upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas sa Pilipinas upang maiwasan ang pagtaas ng presyo nito.

Bilang kapalit, sinabi ni Speaker Romualdez na handa ang Pilipinas na tulungan ang Vietnam sa mga pangangailangan nito.

Sinabi ni Romualdez kay Hue na nais nitong mapalawak ang kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam sa larangan ng enerhiya at digital transformation.

Pinag-usapan din ng dalawa ang posibleng pagpapalakas ng palitan ng kalakal ng dalawang bansa gaya ng produktong pang-agrikultura at materyales sa konstruksyon gaya ng semento.

Samantala, inimbita ni Hue si Speaker Romualdez na bumisita sa Vietnam upang masuklian ang naging mainit na pagtanggap dito ng kanyang bisitahin ang Kongreso ng Pilipinas noong Nobyembre 2022.

Nagpasalamat si Hue sa resolusyon na pinagtibay ng Kamara upang palakasin ang kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam sa pamamagitan ng Philippine-Vietnam Parliamentarians’ Friendship Society.

Ibinigay ni Romualdez ang kopya ng House Resolution 34 nang dumalaw ito sa Kamara sa Quezon City.