Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Mas malawak na pagkakaisa, kooperasyon ng ASEAN panawagan ni Speaker Romualdez

158 Views

NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng mas malawak na pagkakaisa at kooperasyon ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang mabilis umanong makabangon ang rehiyon mula sa epekto ng pandemya at mabawasan ang kahirapan sa kabila ng mga kinakaharap na hamon.

Sa kanyang pahayag sa plenary session ng 44th AIPA (ASEAN Inter-Parliamentary Assembly) General Assembly na ginanap sa Jakarta, sinabi ni Speaker Romualdez na ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pagbagal ng ekonomiya ng mundo ay nagsisilbing banta sa pag-unlad ng rehiyon.

“High food and oil prices in particular have impacted households’ ability to afford other discretionary items. These points raise the urgency for ASEAN Member States to take action to build resilient, sustainable, and inclusive long- term growth,” ani Speaker Romualdez.

“AIPA must recognize that the path to greater prosperity in the region is by greater regional cooperation and interdependence,” dagdag pa ni Speaker Romualdez na siyang nanguna sa delegasyon ng Pilipinas sa AIPA.

Ang AIPA General Assembly, ayon kay Speaker Romualdez, ay nagsisilbing isang entablado kung saan maaaring magkaroon ng mga pag-uusapan para matukoy ang magandang gawin ng rehiyon upang matugunan ang mga hamong kinakaharap nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang iba’t ibang parliyamento sa rehiyon ay mayroong malaking papel sa pagpapalakas ng rehiyon.

“Our parliamentarians are key to enhancing economic growth, financial stability, and social inclusion, and in addressing poverty and promoting institutional stability,” sabi pa ni Romualdez.

Nagpahayag din ng suporta si Speaker Romualdez sa BIMP-EAGA Vision 2025 na makatutulong umano upang magkaroon ng seguridad sa pagkain, malikhaing mga industriya, turismo at green recovery.

Itinayo ang Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area, o BIMP-EAGA noong 1994 upang itulak ang pagsulong ng mga nabanggit na bansa.

Nanawagan din si Speaker Romualdez na isagawa ang unang BIMP-EAGA Parliamentary Forum sa 2024 sa Davao City upang mailatag ang paglikha ng polisiya sa mga gagawin ng BIMP-EAGA.

Binanggit din ni Speaker Romualdez ang ginawang pagpapatibay ng Kongreso sa Medium-Term Fiscal Strategy ng administrasyong Marcos upang mapabilis ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Sa kanyang pagtatapos, pinuri ni Speaker Romualdez ang Speaker ng Republic of Indonesia na si Dr. Puan Maharani sa matagumpay na pagdaraos ng AIPA General Assembly.