Bosita

Malalang problema ng illegal drug cases sa bansa inilahad ni 1-RIDER Party List Congressman Bosita sa kaniyang privilege speech

Mar Rodriguez Aug 11, 2023
181 Views

INILAHAD ni 1-RIDER Party List Congressman Bonifacio L. Bosita sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes ang malalang problema ng illegal drug cases sa bansa na kinasasangkutan ng ilang tiwaling tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Bosita na bilang isang retired police at military officer na 30 taong nasa serbisyo, ay wala umano siyang intensiyong kondinahin ang hanay ng PNP patungkol sa mga isyung ilalatag nito sa kaniyang talumpati.

“Mr. Speaker, ang aking ipapahayag ngayon ay walang pong intensiyon na kondinahin ang PNP na aking pinanggalingan dahil hindi naman po ako makakarating sa Kongreso kung hindi ako naging kasapi nito,” ayon kay Bosita.

Inilahad ni Bosita sa kaniyang talumpati ang malalang problema ng illegal drugs na nagpapahirap umano sa libo-libong kabataan at sumisira ng kanilang kinabukasan na magiging biktima nito kada taon.

Alinsunod sa datos na nakalap ni Bosita, sa loob umano ng limang taon mula 2018 hanggang 2022. Ang PNP aniya ay nakapag-tala ng 258.969 illegal drug cases na isinampa naman sa Prosecutors Office.

Habang noong taong 2018 ay mayroong naitala ang PNP na 51,097 illegal drug cases, noong taong 2019 ay 58,509 illegal drug cases ang kanilang naisampa. Noong 2020 ay 50,113 illegal drug cases, sa taong 2021 ay 51,203 illegal drug cases at sa taong 2022 naman ay 48,047 illegal drug cases.

Gayunman, sinabi ni Bosita na sa lahat ng illegal drug cases na ini-akyat ng PNP sa Prosecutors Office. 1,000 ang na-dismiss ng Korte para sa taong 2018 illegal drug cases, 876 ang na-dismiss noong 2019, 495 dismissed cases (2020), 484 dismissed cases (2021) at 231 dismissed cases naman noong taong 2022 na may kabuuang bilang na 3,085 dismissed cases.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista na kailangang magkaroon ng isang konkretong hakbang at ma-address ng gobyerno ang problemang inilahad nito sa kaniyang privilege speech sapagkat tiyak na marami na naman kabataan at mga magulang ang magdurusa dahil sa isyung ito.

“Mr. Speaker, malinaw na malinaw po na base sa datos po ng PNP at datos ng Department of Justice (DOJ) sa mga illegal drug cases. Libo-libong Pilipino ang nasa-sakripisyo ang buhay at kalayaan, ang umiiyak at nagkikim-kim ng galit sa mga kinauukulan dahil sa kanilang mga dinadanas. Mr. Speaker, kung hindi po natin bibigyan ng agarang solusyon ang problemang ito. Ilang libong Pilipino pa ang magdurusa dahil sa ganitong sistema,” sabi ni Bosita sa kaniyang talumpati.