Barzaga

Panukala para mas maprotektahan wildlife inaprubahan ng Kamara

148 Views

WALANG tumutol na kongresista sa pag-apruba sa panukala na naglalayong mas maprotektahan ang wildlife ng bansa.

Ang House Bill No. 8586 o ang “An Act Providing Stronger Measures for the Conservation and Protection of Wildlife Resources and their Habitats” ay nakatanggap ng 276 pabor na boto.

Mahigit sa 160 kongresista ang may-akda ng HB 8586 na binuo mula sa 12 panukala. Ang panukala ay ipapalit sa Republic Act no. 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act.”

“It shall be the policy of the State to conserve and protect the country’s wildlife resources and their habitats for sustainability and to promote ecological balance, enhance biological diversity, and ensure the provision of ecosystem services,” ayon sa panukala.

Ang panukala ang magre-regulate sa koleksyon, pagkuha, paggamit, at pagbebenta ng wildlife at wildlife by-products.

Kasama sa mga principal author ng panukala sina Reps. Elpidio Barzaga Jr., Elizaldy Co, Joey Salceda, Alfelito Bascug, Eddiebong Plaza, Luis Raymund Villafuerte, Anthony Horibata, Gloria Macapagal-Arroyo, Robert Ace Barbers, Rufus Rodriguez, Jude Acidre, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe.

Ipinagbabawal ng panukala ang mag-udyok, manghikayat o mag-empleyo sa ibang tao upang pumatay o magwasak ng wildlife species.

Ipinagbabawal din ang pagbebenta ng wildlife galing man ito sa bansa o inangkat mula sa ibang bansa.

Ang mga lalabag sa panukalang batas ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang buwan at isang araw hanggang 20 taon at multang P500 hanggang P2 milyon o pareho depende sa desisyon ng korte at depende sa paglabag na nakamit.

Kung ang paglabag ay large scale o ginawa ng sindikato, ang parusang ipapataw ay doble.

Ituturing na large-scale ang paglabag kung ang kabuuang wildlife specimen ay mahigit 30 at kinasasangkutan ng hindi bababa sa tatlong indibidwal.