Valeriano

Solon sa POGO na nag-iwan ng P2.2B utang: Ganun na lang yun?

Mar Rodriguez Aug 17, 2023
462 Views

GANOON na lang ba yun? Hahayaan na lang ba natin na naloko nila tayo? Hindi na ba natin sila hahabulin?”

Ito ang galit na reaksiyon ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, patungkol sa nakagigitla o nakakabiglang pahayag ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Al Tengco.

Sa ginanap na budget hearing ng PAGCOR para sa 2024 proposed national budget nito, Inamin ni Tengco na malabo na umanong masingil pa nila ang nasa P2.2 billion na utang ng Philippine Online Gaming Operators (POGO) company na nag-operate ng overseas online gaming sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Tengco na nag-operate ang POGO company noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Subalit nang matapos ang termino ng dating Punong Ehekutibo ay mabilis na tumalilis o umalis ang mga operators ng POGO lalo na noong panahon ng pandemiya.

Ipinahayag ni Valeriano na isang malinaw na “bad precedent” o masamang halimbawa para sa iba pang kompanya na nag-o-operate sa bansa sapagkat maaaring ganito rin ang gawin nila sa darating na panahon.

Ayon kay Valeriano, ang nakagigimbal pa sa pangyayaring ito ay nang ipag-utos pa umano sa Commission on Audit (COA) na burahin ang P2.2 billion na utang ng POGO company kung saan ay talagang intensiyon aniya na huwag bayaran at sadyang takasan ang kanilang malaking pagkaka-utang.

Hinamon ni Valeriano ang Kamara de Representantes kabilang na ang mga concerned agencies ng pamahalaan na kumilos at magsagawa ng nararapat na imbestigasyon para papanagutin ang mga taong nagpabaya para masingil ang POGO company sa kanilang pagkaka-utang.

Binigyang diin ng kongresista na kung nagawa lamang ng POGO company na bayaran ang kanilang napakalaking responsibilidad ay napakalaki din aniya ang magagawa ng P2.2 billion para magkaroon ng upgrading sa iba’t-ibang public hospitals partikular na sa mga malalayong lalawigan.

“Ganun na lang ba yun? A very bad precedent towards other companies. Iuutos pa sa COA na burahin ang pagkaka-utang ng POGO. Like government’s incompetence to collect never happened. This is pathetic, this is one deserving of an investigation because P2.2 billion could have upgraded some of our hospitals in provinces,” paliwanag ni Valeriano.
Sent from Yahoo Mail on Android