Robin

Sen. Robin: Karapatan ng mga bilanggo respetuhin

174 Views

RESPETUHIN ang karapatan at huwag idamay ang mayorya ng presong nais magbagong buhay sa iilan na sangkot sa iligal na gawain tulad ng pagtakas at pagpasok ng droga.”

Ito ang hiling ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) sa gitna ng kontrobersyang pagtakas ng bilanggong si Michael Catarroja kamakailan.

Nguni’t pinagsabihan din ni Padilla si Catarroja dahil maraming madadamay na bilanggo na mababawasan ng pribilehyo tulad ng pagdalaw, dahil sa kanyang pagtakas.

“Michael, alam mo humingi ka ng paumanhin doon sa bureau pero ang ilang bilanggo ang magdudusa sa ginawa mo, alam mo ba yan? Mababawasan ng privilege diyan kasi ganyan diyan kung may gumawa ng kalokohan diyan, damay lahat yan. Pambihira, dapat nag-isip ka rin,” aniya sa pagdinig ng Senado sa BuCor nitong Martes.

“Hindi po patas, hindi po parehas kung yung ilang libong bilanggo ay magbabayad sa katarantaduhan lang ng isa o dalawa o tatlong bilanggo. Hindi po fair yan.

Dahil noon pong ako ay napiit dito, hindi naman po lahat na bilanggo ay siraulo pa rin. Marami pa rin po ang gustong magbago. Kaya sana po, ito pong ginagawa nating pagdinig, hindi po natin inilalagay sa peligro o sa paghihirap o torture ang ibang bilanggo,” aniya.

Aniya, hindi pwedeng “basta isantabi sapagka’t ilang libo pong bilanggo ang naapektuhan dahil sa kalokohan ng isang tao, o dalawa o tatlong bilanggo.”

Hiling ni Padilla, imbestigahan nang tama ang pagtakas ni Catarroja para huwag nang pamarisan ito, at kung ano ang pwedeng gawin ng mga gwardiya para hindi ito maulit.

Nais din niya na mabura ang “myth” na may pinatatakas sa Bilibid at pinatatrabaho sa labas at gumawa ng krimen tulad ng panghoholdap at pagpatay ng tao.