Martin2

Bagong Pilipinas Serbisyo Fair dry-run sa Biliran pinangunahan ni Speaker Romualdez

141 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez kamakalawa ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair dry-run sa Naval, Biliran bilang hudyat nang pagsisimula ng isang ambisyong adhikain na pagsama-samahin ang 50 programa at mga serbisyo, na ipinagkakaloob ng 33 ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang paghahatid ng tinatayang aabot sa P80 milyong halaga ng tulong, sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr., sa ilalim ng isang bubong sa loob lamang ng dalawang araw.

Ayon kay Speaker Romualdez, layunin ng programa na tugunan ang hamon mismo ni Pang. Marcos na pabilisin ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan sa pinakamalalayong sulok ng bansa.

Ang naturang programa ay intensiyong kopyahin at ipatupad din sa bawat lalawigan sa bansa.

“Hinamon tayo ni Pangulong Marcos, Jr. na pabilisin ang paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa bawat sulok ng bansa. At bilang tugon dito, naisipan naming maglunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. Kasama natin sa adhikain na ito ang buong kasapian ng House of Representatives,” ani Romualdez, na siyang pinuno ng 311-member House of Representatives, sa isang talumpati.

Pinangunahan ng lider ng Kamara, katuwang sina Tingog Party List Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre ang pilot launch ng Serbisyo Fair sa Biliran Province State University sa Naval.

Sa pamamagitan ng programa, naghatid sila sa mga tahanan ng mga residente ng Biliran ng nasa 50 government programs, services, at assistance, kabilang na ang TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) at AICS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na parehong nagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mga nangangailangang mamamayan.

“Sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, nais namin na maging tulay upang mas mabilis ninyong makuha ang mga serbisyong kailangan ng inyong mga pamilya. Sa bawat tigil ng Serbisyo Fair sa iba’t-ibang parte ng bansa, handa kaming maghatid ng ayuda, impormasyon, at gabay sa lahat ng inyong pangangailangan – mula sa kalusugan, edukasyon, hanggang sa hanapbuhay,” ani Speaker Romualdez.

“Sa inyong pakikiisa, mas marami tayong matutulungan at mabibigyan ng solusyon. Kaya naman, hinihikayat ko po kayo na maging aktibong bahagi ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at magtulungan tayong lahat para sa mas mabuting kinabukasan ng bawat Pilipino,” pagpapatuloy pa niya.

Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni Biliran Rep. Gerardo “Gerryboy” Espina, Jr. na isang malaking karangalan para sa lalawigan ng Biliran na maging host ng dry-run ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.

“Nagpapasalamat kami kay Presidente Bongbong Marcos dahil sa ilalim ng kanyang pamumuno nagkakaroon na tayo ng mga ganitong program ana mas pinapadali para sa taong bayan na makatanggap ng serbisyo mula sa gobyerno,” dagdag pa niya.

Sa paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, na umaasang makakapagbigay ng serbisyo sa mahigit 900,000 mamamayan, sinabi ni Speaker Romualdez na ang kontribusyon ng House of Representatives ay hindi na limitado lamang sa mga pader ng chamber kundi direkta na ring mararamdaman ng mga komunidad at ng mga mamamayan mismo.

Sa Biliran pa lamang anila, nasa 26,000 beneficiaries na rin ang nakinabang mula sa mga serbisyo at programa mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang 20,000 na tumanggap ng cash assistance (AICS, TUPAD, Scholarship), habang nasa 5,000 residente naman ang tumanggap ng non-cash assistance gaya ng health at medical services.

Dagdag pa ni Speaker Romualdez, “Sa pagkakataong ito, muli nating napapatunayan ang matibay na diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan nating mga Pilipino. Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong lahat sa pagdalo at pakikiisa sa ating pagtitipon ngayong araw.”

“Tunay po na makasaysayan ang araw na ito para sa atin at para sa mas maraming Pilipinong makikinabang sa proyektong ito,” aniya pa.

Ang tentative schedule para sa iba pang Serbisyo Fairs sa ibang lalawigan ay ang mga sumusunod: Davao de Oro (Sept. 8-9), Leyte (Sept. 9-10), Ilocos Norte (Sept. 11-12), Laguna (Sept. 30 to Oct. 1), Camiguin (Oct. 14-15), Bohol (Oct. 28-29), Camarines Norte (Nov. 11-12), Bukidnon (Nov. 25-26), at Eastern Samar (Dec. 9-10).