Martin1

Kamara inaprubahan panukala para mapigilan teenage pregnancy

Mar Rodriguez Sep 6, 2023
224 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayong pigilan ang teenage pregnancy at maprotektahan ang mga batang ina.

Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na layunin ng House Bill (HB) No. 8910 na matugunan ang isyu ng maagang pagbubuntis at pagiging ina na mayroong masamang epekto sa kapwa ina at sanggol at gayundin sa lipunan.

Ang panukala ay inaprubahan sa botong 232 pabor at walang tumutol o abstention.

Batay umano sa mga isinagawang pag-aaral, tumaas ang bilang ng mga kabataang nabubutis o nanganganak noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung kailan pinagbawalan ang karamihan na lumabas.

“The social cost of this issue and the negative impact on the national budget could run into billions – in terms of the government having to take care of young mothers and their babies. There is also the human development aspect,” ani Speaker Romualdez, lider ng 311 miyembro ng Mababang Kapulungan.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maihanda ang mga kabataan upang maging mga responsableng magulang sa hinaharap.

Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Edcel C. Lagman, Juan Fidel Felipe F. Nograles, Charisse Anne C. Hernandez, Stephen James T. Tan, Patrick Michael D. Vargas, Francisco Paolo P. Ortega V, Raoul Danniel A. Manuel, Juan Carlos “Arjo” C. Atayde, Rex Gatchalian, Ruth Mariano-Hernandez, Faustino Michael Carlos T. Dy III, Kristine Alexis B. Tutor, JC Abalos, Keith Micah “Atty. Mike” D.L. Tan, Christopherson “Coco” Yap, Reynolds Michael T. Tan, Ivan Howard Guintu, Angelo Marcos Barba, Jane T. Castro, Margarita “Atty. Migs” B. Nograles, Eric R. OLY Buhain, Jeyzel Victoria C. Yu, Jernie Jett V. Nisay, Romulo “Kid” Peña JR, Christian S. Unabia, Irwin C. Tieng, Mary Mitzi L. Cajayon-Uy, Dante S. Garcia, Bai Dimple I. Mastura, Peter B. Miguel, Joseph S. Tan, Emigdio P. Tanjuatco III Antonio B. Legarda Jr., Jose “Joboy” S. Aquino II, Julienne “Jam” Baronda, Arnie B. Fuentebella, Yevgeny Vincente B. Emano, Bryan B. Revilla, Jude A. Acidre, Arlene D. Brosas, Arthur F. Celeste, Joseph Gilbert F. Violago, Noel “Bong” N. Rivera, at Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe.

Upang maipakita ang bigat ng problema, sinabi ni Lagman na batay sa ulat United Nations Population Fund noong 2020 ang Pilipinas ang may pinakamataas na teenage pregnancy rate sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ayon sa ulat, mahigit 500 adolescent umano ang nagbubuntis o nanganganak kada araw o lagpas 182,500 sa isang taon.

Dahil sa negatibong epekto ng maagang pagbubuntis, nakakabawas umano ito sa paglago ng ekonomiya ng P33 bilyon kada taon.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo ang Adolescent Pregnancy Prevention Inter-Agency Council (APPIAC) na pamumunuan ng Population Commission executive director bilang chairperson at ang executive director ng Council for the Welfare of Children ang magsisilbing co-chairperson nito.

Ang mga miyembro nito ay mga opisyal ng Department of Health, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, Commission on Higher Education, Philippine Commission on Women, National Youth Commission, at Technical Education and Skills Development Authority, mga chairperson ng leagues of provinces, cities at municipalities, dalawang kinatawan ng women’s rights groups, isang adolescent representative, at isang youth representative.

Layunin ng konseho na bumuo at magpatupad ng isang national action plan upang mapigilan ang teenage pregnancy at magrekomenda ng mga panukalang batas kung kinakailangan.

Magtatayo rin ng regional, provincial, city, at municipal counterparts ng konseho para pangasiwaan ang pagpapatupad ng programa.

Sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo ng panukala, ang APPIAC ay ipatatawag upang magtalaga ng dalawang katawan ng women’s rights groups, at tig-isang kinatawan ng adolescents at youth sector.

Ang konseho ang bubuo ng implementing rules and regulations ng panukala.

Itatayo rin ang isang joint congressional oversight committee na magbabantay sa pagpapatupad ng panukalang Adolescent Pregnancy Prevention Act.