Hataman

Paglipat ng hajj services sa  private sector iminungkahi

Mar Rodriguez Sep 19, 2023
181 Views

DAHIL taon-taon na lamang dumaranas ng sobrang pahirap ang libo-libong Muslim na dumadalo sa Hajj Pilgrims sa Holy City ng Mecca. Inirerekomenda ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Congressman Mujiv Hataman na alisin sa kapangyarihan ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang pamamahala nito sa nasabing pilgrimage.

Binigyang diin ni Hataman na panahon na upang tanggalin sa NCMF ang pamamahala nito sa taunang Hajj Pilgrimage matapos na muling ma-stranded at mahirapan ang libo-libong Muslim na dadalo sana sa pilgrimage na gaganapin sa Saudi Arabia katulad din ng kanilang naging karanasan noong 2022.

Inihain ni Hataman ang House Bill No. 9096 sa Kamara de Representantes na naglalayong tanggalin na sa NCMF ang tungkulin nito para pangasiwaan o pamahalaanan ang taunang Hajj Pilgrimage at sa halip ay ipasa na lamang ang nasabing responsibilidad sa isang private sector.

Sinabi ni Hataman na ang isinulong nitong panukala ang nakikita niyang solusyon para maibsan ang malaking perwisyo at pahirap na nararanasan ng kaniyang mga kababayan (Muslim) sa tuwign dadalo na lamang sila sa Hajj Pilgrimage bunsod ng hindi maayos na serbisyo ng NCMF.

Ipinaliwanag ng Muslim solon na ang Hajj Pilgrim ay isang sagradong haligi ng pananampalatayang Islam na pinag-iipunan ng kaniyang mga kababayang Muslim sapagkat itinuturing nilang isang pribilehiyo at natatanging pagkakataon na makadalo sila sa nasabing pagtitipon.

Ayon kay Hataman, kabilang sa mga problema at perwisyong nararanasan ng mga kababayan niyang Muslim sat wing dadalo sa Haff Pilgrim ay ang kawalan ng matutuluyan, walang makain at wala rin natatanggap na tulong mula sa NCMF ang mga na-stranded Filipino Pilgrims.

“Ang taunang pilgrimage sa Holy City of Makkah sa Saudi Arabia ay isa sa mga sagradong haligi ng pananampalatayang Islam. Pinag-iipunan iyan ng ating mga kababayang Muslim kasi para sa kanila napaka-palad nila kapag nagawa nila yan na minsan lang mangyayari sa kanilang buhay,” ayon kay Hataman.

Nabatid pa kay Hataman na layuin ng kaniyang panukalang batas na amiyendahan ang kasalukuyang Republic Act No. 9997 para alisin na sa pamamahala o administrasyon ng NCMF ang Hajj Pilgrimage.

Sinabi pa ng kongresista na nakapaloob sa kaniyang panukala na ang magiging tungkulin na lamang ng NCMF ay ang mag-rehistro at mag-accredit na lamang ng sheik na siyang magpo-proseso at gagawa ng gabay para sa taunang Hajj pilgrimage taliwas sa kanilang dating tungkulin.