Calendar
Habambuhay na kulong sa agri smugglers pasado na sa Kamara
PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na mag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act, o Republic Act (RA) No. 10845 upang maging habambuhay na pagkakakulong ang parusa sa mga agro-smugglers.
Ang House Bill (HB) No. 9284, o ang Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act ay nakakuha ng 289 pabor na boto. Walang tumutol dito.
Sa ilalim ng panukala ang smuggling ng bigas at iba pang produktong agrikultura ay ituturing na “economic sabotage” sa ilalim ng panukala at magiging habambuhay na pagkakakulong ang parusa rito.
“Malapit nang matapos ang mga maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders, at ang mga nagca-cartel. Your days are numbered. Once this bill is enacted, we will use its provisions to the fullest in order to prosecute these evil-doers who made our kababayans suffer,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Dahil sa kahalagahan na maisabatas ang panukala, pansamantalang itinigil ng Kamara ang pagtalakay sa panukalang P5.768 trilyong budget para sa 2024 upang bigyang daan ang botohan.
Ang buong titulo ng panukala ay, “An Act declaring large-scale agri-fisheries commodities and tobacco smuggling, hoarding, profiteering, cartelizing, and other Acts of market abuse as economic sabotage, Amending for the purpose Republic Act No. 10845, otherwise known as the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.”
Nauna ng sinabi ni Romualdez na umaasa ito na lilikha ng chilling effect ang panukala sa mga indibidwal na mas piniling pagkakitaan ang paghihirap ng nakararaming Pilipino.
“This bill will help realize President Marcos’ aspirations of affordable produce and food self-sufficiency. It’s unanimous passage speaks volumes,” sabi ni Speaker Romualdez na nagsabing ang Kamara ay nananatiling sumusuporta sa inisyatiba ni Pangulong Marcos, na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Inendorso ni House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang panukala sa plenaryo.
Ang panukala ay bahagi ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bills.