Valeriano

Valeriano suportado desisyon ng Kamara na tanggalin CIF sa mga ahensiya ng gobyerno

Mar Rodriguez Sep 28, 2023
240 Views

SUPORTADO ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang naging desisyon ng liderato ng Kamara de Representantes na tanggalin sa mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang Confidential Intelligence Fund (CIF).

Binigyang diin ni Valeriano na akmang-akma o timing na timing ang naging desisyon ng liderato ng Kongreso na tanggalin sa mga ahensiya at departamento ng gobyerno ang kanilang CIF na wala naman sa kanilang mandato ang intelligence gathering at pangangalaga sa seguridad ng bansa.

Ipinaliwanag ni Valeriano na ipinakita lamang ng liderato ng Kamara na hindi manhid ang mga kongresista sa setimyento ng taongbayan patungkol sa nasabing usapin. Kaya kaganga-hanga ang ginawa nito na alisin sa 2024 proposed national budget ang CIF ng mga ahensiya ng gobyerno.

Iginiit ng kongresista na ang maiipong pondo (CIF) mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ay inaasahang ililipat para madagdagan ang budget ng mga security agency upang tugunan ang umiinit na tensiyon sa West Philippines Sea (WPS) sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sinabi pa ni Valeriano na sang-ayon siya sa panukalang ilipat ang malilikom na pondo sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na ang pangunahing tungkulin ay ang pagiging intelligence collector ng Pilipinas.