Gatchalian

Win: Subsidiya sa PUV modernization dagdagan

259 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian ng pagtaas ng halaga ng subsidiya ng gobyerno para sa modernization program ng public utility vehicles (PUVs).

Ito ang naging panawagan ni Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado hinggil sa panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr) para sa susunod na taon. Sa ilalim ng PUV modernization program, lahat ng jeepney ay dapat may makinang Euro-4 o sumusunod sa Philippine National Standards (PNS).

“Sa mga briefer na nabasa ko, nasa 60% lang ang compliance rate ngayon at walang alokasyon para sa PUV modernization sa 2024 national budget. Sa madaling salita, pinipilit natin silang mag-modernize pero wala naman pala tayong ibinibigay na anumang suporta,” ang sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng DOTr.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagtaas ng halaga ng subsidiya ay dapat maging bahagi ng estratehiya ng DOTr upang makamit ang target na 100% modernisasyon sa hanay ng mga PUV sa bansa. Ayon sa DOTr, ang isang unit ng modernized PUV ay nagkakahalaga ng P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon.

Sinabi naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ipagpapatuloy ng departamento ang pagbibigay ng equity subsidies sa lahat ng PUV drivers at operators upang matulungan silang palitan ang mga lumang unit na kasalukuyang gamit nila. Aniya, humihiling sila ng P1.6 B para sa naturang programa para sa susunod na taon.

Sa ilalim ng naturang programa, ang bahagi ng pamasahe na kikitain ng mga jeepney driver ay mapupunta sa pambayad ng utang na halagang pinambili ng modernong sasakyan. Gayunpaman, sinabi rin ni Gatchalian na noong ipinakilala ang programa, ang halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay naglalaro lamang sa $20 hanggang $30 kada bariles. Mula noon, umakyat na ang presyo ng gasolina sa $80 hanggang $90 kada bariles bunga na rin ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Nauna nang sinuspinde ang deadline para sa modernization program upang payagan ang mga jeepney operator na sumali sa isang kooperatiba. Ang deadline para sa consolidation ng mga jeepney operator ay nakatakda sa Disyembre 31 ngayong taon. “Ito ay isang hakbang tungo sa tamang direksyon na ang modernisasyon ay ginagawa sa pamamagitan ng kooperatiba,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi rin ng departamento na ilang mga private groups ay interesadong sumabak sa manufacturing ng modernized PUVs na magpapababa ng halaga.