Valeriano

Automatic na pagtanggal ng lisensiya ng mga abusadong driver isinulong

Mar Rodriguez Oct 3, 2023
232 Views

BUNSOD ng sunod-sunod na kaso ng road rage at dahil namimihasa na ang mga abusadong driver. Binigyang diin ng isang kongresista na panahon na para magbalangkas ng isang panukalang batas para awtomatikong matatanggalan ng lisensiya ang mga driver na sangkot sa “road rage”.

Nagpahayag ng labis na pagkadismaya ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano dahil sa serye ng road rage na nangyari sa nakalipas na kinasasangkutan ng mga abusado at walang pakungadangang motorista.

Sinabi ni Valeriano na matapos ang unang insidente ng road rage dahil sa panunutok ng batil ni dating POI Willie Gonzales sa isang siklista na nangyari sa Welcome Rotonda. Mistulad hindi umano nadadala ang mga abusadong driver o motorista dahil sa panibagong kaso na naman ng awayan sa kalsada o road rage.

Ang tinutukoy ni Valeriano ay ang kaso ng road rage sa Lancaster Subdivision, General Trias Cavite. Kung saan, nagpupuyos sa galit na sinugod ng di-umano’y lasing na driver na si Jay-Ar Cesar ang kapwa nito driver na si Jarrid Bation kasunod ng pagwi-wika nito ng mga malulutong na mura.

Bukod pa dito, isa pang kaso ng road rage ang naganap naman sa Marikina City noong May 16, 2023. Subalit nag-viral na lamang kamakailan. Patungkol sa kaso ng isang motorista na sinugod at pinagsususuntok ang isang siklista matapos silang magka-initan hanggang sa sagasaan nito ang bisikleta ng siklista.

Dahil sa mga pangyayaring ito, iginiit ni Valeriano na tila mas nagiging mapangahas at malupit ang sunod-sunod na kaso ng road rage. Bagama’t ipinagpapasalamat parin ng mambabatas na hindi naman umaabot sa mas peligrong sitwasyon ang mga awayan sa kalsada sa pamamagitan ng pamamaril.

Ayon kay Valeriano, bagama’t nauuwi sa “amicable settlement” o nagkapatawaran ang mga sangkot sa road rage. Subalit muli nitong binigyang diin na dapat parin patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang diver na nagpasimuno ng gulo sa kalsada sa pamamagitan ng kanselasyon o termination ng kaniyang lisensiya sapagat hindi dapat aniya paggala-gala sa kalsada ang “war freak” na driver.

Sinabi ng Manila solon na hindi dapat bigyan ng lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver na madaling mag-init ang ulo, may saltik o may topak at mapapatunayang lasenggo.

Sapagkat ang kapakanan ng iba pang motorista naman ang malalagay sa alanganin kapag sila ay nabigyan ng driver’s license.

“Malupit ang pagdalas ng road rage. Dapat maging malupit narin ang parusa laban sa kanila. Agad-agad dapat termination of license sa erring party duon sa driver na mainit ang ulo,” paliwanag ni Valeriano.

Sinabi pa ng kongresista na marahil ay panahon na upang magkaroon ng isang panukalang batas na naglalayong awtomatikong matanggalan ng lisensiya ang mga abusado at walang disiplinang driver na nasangkot at paulit-ulit na nassasangkot sa mga kaso ng road rage o awayan sa kalsada.

Ipinaliwanag ni Valeriano na hindi na dapat pang hintayin ng LTO na masangkot sa mas malalang kaso o sitwasyon ang isang abusadong driver na una ng napatunayan na hindi karapat-dapat mabigyan ng lisensiya.