Calendar
Imbestigasyon sa pagkamatay ng OFW sa Saudia Arabia kinatigan ni Magsino
KINATIGAN ni OFW Party List Congressman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang ikakasang imbestigasyon ng Department of Migrant Workers (DMW) patungkol sa kaso ng karumal-dumal na pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) o Filipino domestic worker sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Magsino na kailangang mapapanagot ang mga salarin na nasa likod ng pagakamatay ni Marjorette Garcia na nagtungo sa Middle East noong 2021 para magtrabaho bilang domestic worker.
Ipinaliwanag ni Magsino na bagama’t kumilos na ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para makipagtulungan sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia kabilang na ang local police. Kailangan parin umanong matiyak na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Garcia.
Gayunman, ikinalulungkot parin ni Magsino na panibagong kaso na naman ng pagpatay sa isang OFW ang naitala. Bagama’t tiniyak nito na hindi naman siya nagpapabaya bilang kongresista para isulong ang mga panukalang batas na nagsusulong sa proteksiyon at welfare ng mga OFWs.
“Dapat mabigyan ng hustisya itong pagkamatay ng ating kababayan na si Marjorette Garcia. Tayo ay nalulungkot sapagkat isa na naman OFW ang naging biktima ng karahasan sa ibayong dagat.
Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay madadakip ang mga salarin at mapanagot sa kanilang sala,” ayon kay Magsino.
Samantala, pinasalamatan naman ni Magsino ang mga Senador ang pagkakapasa ng kaniyang panukalang batas na ipinasa kamakailan ng Senado o ang Magna Carta for Seafarers sa pamamagitan ng counterpart measure nito na Senate Bill No. 2221 na pumasa sa ikatlo at huling pagbasa.