Frasco

DOT inilungsad 24/7 tourist assistance call center

230 Views

INILUNSAD ng Department of Tourism (DOT) ang isang 24/7 tourist assistance call center upang tumugon sa mga katanungan at tumanggap ng reklamo ng mga dayuhang turista.

Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco isa sa hinaing ng mga turista ay ang kawalan ng matatawagan o mapupuntahan kapag sila ay nagkaroon ng problema at ito ang tutugunan ng tourist assistance call center.

Ang tourist assistance call center ay matatawagan sa hotline 151-TOUR (151-8687).

Maaari rin ditong magtanong ang mga dayuhang turista sa hotline kaugnay ng mga polisya, landmark, mga pagtitipon o festival at travel agency.

Sa kasalukuyan ay walo pa lamang umano ang call center agent na tatanggap ng tawag at palalawigin umano ito sa mga susunod na panahon. Bukod sa pagsasalita ng Ingles, plano rin umano ng DOT na kumuha ng mga call center agent na marunong magsalita ng ibang lenguwahe.

Sinabi ni Frasco na ang pagkuha ng tourist assistance call center ay dumaan sa competitive bidding at ang mga dokumento kaugnay nito ay makikita sa website ng DOT.