Bro. Marianito Agustin

Obra Maestra

736 Views

Tayo ay nilikha na kalarawan ng Diyos. Subalit may ilan na hindi masaya sa kanilang hitsura (Geneses 1:26)

“Pagkatapos likhain ng Diyos ang lahat ng ito. Sinabi ng Diyos. Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gawin siyang kawangis natin”. (Genesis 1:26)

Ang pagkakalikha ng Panginoong Diyos sa tao ay matatawag na “Obra Maestra” o isang “Master Piece” sapagkat ano pa ba naman ang hahanapin mo gayong nasa sa atin na ang lahat ng bagay na maaaring taglayin ng sinomang nilalang?

Biniyayaan tayo ng utak para makapag-isip. Dahil sa ating isip, nagkaroon tayo ng karapatan at kalayaan gawin ang mga bagay para sa ikabubuti at ikagaganda ng ating pamumuhay dito sa ibabaw ng mundo.

Binigyan din tayo ng Panginoon ng puso para magmahal sa Diyos, magmahal sa ating kapuwa at mahalin ng mga taong nagmamahal din sa atin.

Kaya mayroon pa bang maaaring hilingin ang sinomang tao sa mga biyayang ibinigay sa kaniya ng Panginoong Diyos? Partikular na ang ipinagkaloob na buhay para sa ating lahat?

Mapalad tayo dahil nilikha tayo ng Panginoon na kalarawan niya. Hindi ito nangangahulugan na kung ano ang wangis o hitsura natin ay ganoon narin ang anyo ng Diyos na lumikha sa ating lahat.

Kalarawan natin ang Panginoong Diyos sa anyo ng kabanalan. Sapagkat ang Diyos ay hindi tulad nating mga tao na may laman dahil ang Diyos ay isang espiritu. Walang umpisa at walang katapusan.

Kaya nakakalungkot isipin na sa kabila ng pagiging kawangis natin ang ating Panginoon. May mga tao ang hindi matanggap ang kanilang hitsura na para bang hindi sila kuntento at masaya sa regalong ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.

Minsan napakahirap unawain kung bakit may ilang tao ang nagpapapalit ng kasarian at nagpapabago ng kanilang anyo. Maaaring hindi nga sila maganda katulad ng ibang tao na nabiyayaan ng napakagandang mukha.

Subalit ang lahat ng bagay dito sa ibabaw ng mundo ay mayroong dahilan. May dahilan ang Diyos kung bakit tayo nilikha, may dahilan ang Panginoon bakit tayo napunta sa isang bokasyon at propesyon. Ang kailangan lamang natin ay magtiwala.

Dahil sa kawangis natin ang ating Panginoong Diyos. Bilang kaniyang mga nilikha, mayroon tayong obligasyon na magtiwala sa kaniyang kalooban at mga plano para sa atin.

Ngunit may mga tao ang hindi matanggap ang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Kaya binabago nila ang mga bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila. Hindi ba’t ang mahalaga naman talaga ay ang nilalaman ng ating puso?

Maaaring may ilan na hindi nga nabiyayaan ng kagandahan. Subalit pinagkalooban naman sila ng Panginoong Diyos ng katalinuhan, talento at abilidad. Kaya pinupunan parin ng Diyos ang anomang kakulangan sa kanila.

Ipinapaalala sa atin ng Talata (Genesis 1:26) na nilikha tayo ayon sa wangis ng Panginoong Diyos. Anoman ang ating hitsura, ang bawat isa sa atin ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos.

Doon pa lamang ay napaka-palad na natin lahat. Sapagkat ang buhay na ibinigay niya sa atin ay isang napakagandang regalo. Dahil binigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon para maramdaman natin ang kaniyang nag-uumapaw na pag-ibig dito sa mundo.

Bagama’t may kalayaan tayong gawin ang mga bagay na naisin natin. Marahil ay may kalayaan din ang Diyos na malungkot dahil sa kabila ng biyayang ipinagkaloob niya sa isang tao. Tila hindi ito masaya sa regalong iyon.

Ano ba ang iyong mararamdaman halimbawang hindi nagustuhan ng isang tao ang iyong iniregalo sa kaniya? Bagkos ay ipinamigay pa niya ito sa ibang tao?

Manalangin Tayo:

Panginoon. Maraming salamat po sa buhay na ibinigay niyo po sa amin. Nagpapasalamat po kami dahil nilikha mo kami na kalarawan mo. Anoman po ang aming hitsura, hindi po ito mahalaga sapagkat ang mahalaga ay ang nilalaman ng aming mga puso.

Amen