Romero1

Pamamahagi ng bigas, cash aid ng Kongreso ‘maagang Pamasko’ sa mga mahihirap

Mar Rodriguez Oct 8, 2023
205 Views

SINUSUPORTAHAN ng chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang ikakasang hakbang ng Kongreso kaugnay sa napipintong pamamahagi nito ng bigas at financial assistance para sa mga mahihirap na pamilya.

Sinabi ni Romero na maituturing na “maagang pamasko” ang gagawing pagkilos ng Kamara de Representantes upang mamahagi ng bigas at cash assistance para sa tinatayang 2.5 milyong mahihirap na pamilya sa bansa.

Ayon kay Romero, nagsanib-puwersa ang Kongreso at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mamahagi ng bigas sa pamamagitan ng “Malaya Rice Project” batay na rin sa pagnanais ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na matulungan ang mga mahihirap na mamamayan.

Binigyang diin pa ng kongresista na malaki ang maitutulong ng “Malaya Rice Project” patra maibsan ang martinding kahirapan at karukhaan na nararamdaman ng mahihirap na pamilya bunsod ng matinding kahirapan.

Ikinagalak din ni Romero ang paglulunsad ng nasabing proyekto sapagkat matutugunan din nito ang problema ng bansa patungkol naman sa matinding kagutuman dahil narin sa napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin na nararamdaman ng lahat ng Pilipino.