Senator Win Gatchalian Senator Win Gatchalian

Gatchalian layong palitan saklaw ng paggamit ng mother tongue sa pagtuturo

142 Views

UPANG tugunan ang mga hamong kinakaharap sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), naghain si Senador Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na layong palitan ang saklaw ng paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction o wika ng pagtuturo.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2457, iminumungkahi ni Gatchalian na maliban sa mga monolingual classes mula Kindergarten hanggang Grade 3, ang pagtuturo ng basic education ay magpapatuloy gamit ang Filipino at, maliban na lamang kung itakda ng ibang batas, ang Ingles. Ito ay naaayon sa Section VII, Article XIV ng 1987 Constitution. Suhestyon ni Gatchalian ang paggamit ng mga lokal na wika bilang auxiliary media of instruction o pantulong na wika sa pagtuturo, na ayon sa mambabatas ay mas flexible na pamamaraan na nakasaad mismo sa Saligang Batas.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magpapatuloy ang mga prinsipyo at framework ng MTB-MLE sa mga monolingual classes, o sa mga pangkat ng mga mag-aaral na gumagamit ng parehong wika o mother tongue, at naka-enroll sa parehong grade level. Naging institutionalized ang MTB-MLE sa ilalim ng Enhanced Basic Education of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law.

Bagama’t may 245 na nakatalang wika sa ilalim ng 2020 Census of Population and Housing, ayon kay Gatchalian, may 19 na wika lamang na ginagamit ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng MTB-MLE. Pinuna rin ng senador na ilan sa mga pinaka ginagamit na wika tulad ng Boholano, Masbateño, at Kankanaey ay hindi kasama sa 19 wika na pinapatupad ng DepEd.

Binalikan din ng chairperson ng Senate Committee on Basic Education na batay sa apat na naging pagdinig na ginawa ng Senado hinggil sa pagpapatupad ng MTB-MLE, napag-alaman na lahat ng mga pag-aaral na ipinakita sa paggamit ng mother tongue ay isinagawa sa mga lugar na gumagamit lamang ng isang wika. Matatandaang tinawag ni Gatchalian ang MTB-MLE sa bansa bilang eksperimento sa pagpapatupad ng mother tongue sa mga lugar na maraming wika.

Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019 na 9% lamang sa mga mag-aaral na nakilahok sa isinagawang survey ang nakatupad sa 4-minima requirement para sa maayos na pagpapatupad ng MTB-MLE. Ito ay ang pagsusulat ng mga aklat sa wika, panitikan, at kultura; pag-dokumento sa ortograpiya ng wika; pag-dokumento sa balarila ng wika; at pagsulat ng diksyunaryo ng wika.

Dagdag pa ng senador, sinasalamin ng pag-aaral na ito ang kanyang mga obserbasyon at mga focus group discussion na kanyang isinagawa sa Pangasinan, Cebu, Davao, at Muntinlupa.