Martin1

Speaker Romualdez, Magsino ikinalungkot pagkamatay ng 2 Pilipino sa Israel

Mar Rodriguez Oct 13, 2023
160 Views

NAGPAHAYAG ng labis na kalungkutan sina House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez at OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino dahil sa pagkamatay ng dalawang Pilipino sa gitna ng tumitinding kaguluhan sa Israel at Gaza at pagsalakay ng Palestinian Islamist Group.

Binigyang-diin ni Magsino na napakahirap ng sitwasyon ng mga Pinoy sa Israel partikular na para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang naiipit ng tumitinding tensiyon o digmaan sa Israel at Gaza na naging dahilan naman para masawi ang dalawang Pilipino.

Muling pinaalalahanan ni Magsino ang mga Pilipino sa Israel na kailangan nilang sundin ang guideline mula sa Home Front Command (HFC) para na rin sa kanilang kaligtasan. Kasunod ng kaniyang payo na dapat manatili lamang sila sa kanilang mga bahay at maging alerto.

Ipinahayag naman ni Speaker Romualdez na ang kinasapitan ng dalawang Pilipino sa Israel ay nakaririmarim na paalala na ang kasalukuyang armed conflict sa nasabing bansa ay walang habas na kumikitil ng mga inosenteng buhay katulad na lamang ng nangyari sa dalawang Pilipino.

Dahilsa pangyayaring ito, sinabi ng House Speaker na kasama niya ang mamamayang Pilipino sa pakikiisa sa sama-samang pagkondina sa masaklap na sinapit ng dalawang Pilipino sa Israel. Kasunod ng pakikidalamhati nito para sa pamilya ng dalawang namatay na Pilipino.

“We earnestly appeal to all combatants to exercise utmost restraint and ensure the safety of civilians. Including our fellow Filipinos. Upholding the tenets of international law and the relevant UN Security Council Resolution is essential and the Philippines stands ready to cooperate with the international community towards a peaceful and lasting resolution,” ayon kay Speaker Romualdez.