balisacan

NEDA inaprubahan P269.7B halaga ng high-impact programs, projects

146 Views

INAPRUBAHAN ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang P269.7 bilyon halaga ng programa at proyekto.

Ito ang inanunsyo ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan matapos ang ika-10 pagpupulong kaugnay ng high-impact programs at projects.

“With these approved projects, the Marcos administration reaffirms its commitment to aggressively advance infrastructure development to attain our medium-term development goals of more high-quality jobs and better lives for all Filipinos,” sabi ni Balisacan.

Upang mapalakas ang turismo at matugunan ang kakulangan sa healthcare system, inaprubahan ng NEDA Board ang Upgrade, Expansion, Operations, and Maintenance ng Bohol-Panglao International Airport at ang Dialysis Center Project ng Baguio General Hospital and Medical Center sa ilalim ng public-private partnership (PPP) projects.

Ayon kay Balisacan ang Php4.5 bilyong Bohol-Panglao International Airport project ay naglalayong paramihin ang mga pasaherong nakakagamit ng naturang paliparan.

Kapag natapos ang proyekto inaasahan na aabot sa 3.9 milyong pasahero ang maseserbisyuhan nito.

Ang Php392-milyong Dialysis Center Project ng Baguio General Hospital and Medical Center ay makatutulong naman sa mga pasyenteng nangangailangan ng hemodialysis treatment.

Inaprubahan din ng NEDA Board ang Php13.08 bilyong Infrastructure Preparation and Innovation Facility–Second Additional Financing, na magbibigay ng mas magandang financing sa mga proyekto ng DPWH at DOTr.

Nakasama rin sa inaprubahan ng Board ang Green Economy Programme in the Philippines na nagkakagalaga ng Php3.62-bilyon at popondohan ng European Union.

Kasama rin sa inaprubahan ng NEDA Board ang pagtataas ng pondo para sa Bataan-Cavite Interlink Bridge project na ginawa ng Php219.3 bilyon mula sa Php175.6 bilyon. Ang implementasyon nito ay pinalawig din hanggang Disyembre 2029.

Inaprubahan din ng NEDA Board ang mga pagbabago sa Cebu Bus Rapid Transit o Cebu BRT Project at isinama na dito ang mixed traffic section mula sa Bulacao-Talisay, SRP-Talisay, at IT Park-Talamban. Dinagdagan din ang mga istasyon, terminal at bus na bibiyahe.

Dahil sa pagbabago ang gastos sa Cebu BRT project ay umakyat sa Php28.78 bilyon mula sa Php16.3 bilyon. Ang implementasyon ng proyekto ay pinalawig din hanggang Disyembre 2027.