Calendar
Dra. Padilla sa FDA: Gumagawa ng pekeng gamot dapat habulin
IMBES na pagbawalan ang mga maliliit na tindahan na makapagbenta ng mga over-the-counter (OTC) na tableta, nararapat lamang na hulihin ang mga gumagawa ng pekeng gamot, ayon kay Eye Bank founder at Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla.
Ito ay kasunod ng plano ng Food and Drug Administration (FDA) na ipagbawal ang pagbebenta ng paracetamol, gamot sa ubo at lagnat, at iba pang pangunahing gamot sa mga sari-sari store makaraang madiskubre na ang ilan sa mga ito ay nagbebenta ng mga pekeng gamot kontra COVID-19.
“Ang dapat ipagbawal ay ang pagbenta ng mga gamot na kailangan ng reseta ng doktor at dapat ma-dispense ng isang pharmacist. Kasama rito ang mga pekeng gamot para sa COVID-19,” sabi ni Dra. Padilla sa panayam ng mga mamamahayag sa Lucena City, Quezon Province, nitong Martes.
Inihayag ito ni Dra. Padilla sa pagbisita niya sa probinsya kasama nina Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson, running mate Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at mga kapwa niya senatorial aspirant.
Giit niya, ang planong ito ng FDA ay labis na pagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga nakatira sa mga baryo o ‘yung malalayo sa mga siyudad.
“Siguro kung laging may supply ang barangay health center ng mga ganitong gamot, then OK. Pero wala naman. Kawawa naman ang mga taga-baryo o malayo ang mga bahay sa pinakamalapit na botika,” aniya.
Nagbabala na ang pamahalaan sa publiko sa posibleng masamang epekto na maidudulot ng pag-inom ng iligal at hindi lisensyadong gamot, lalo na ang umano’y panlaban sa COVID-19 na maaari pang maging sanhi ng kamatayan.
Pero ayon sa senatorial bet ng Partido Reporma, kung ang mga pekeng OTC drug ang problema, dapat habulin ng FDA ang mga manufacturer at distributor nito.
Nanawagan din siya sa ahensya na ilabas sa kanilang opisyal na website at sa mga pahayagan, radyo, at telebisyon ang mga brand ng pekeng gamot para mabigyang impormasyon ang publiko.
“Kaunting imbestigasyon at political will, matitigil ang ganitong illegal na aktibidad. ‘Yan ang tamang solusyon, hindi ang pagpapahirap sa taumbayan,” saad pa ni Dra. Padilla