Dalipe

COA na ang nagpatunay na mali paratang ni Duterte sa Kamara—Dalipe

Mar Rodriguez Oct 19, 2023
209 Views

ANG ulat na umano ng Commission on Audit (COA) ang patunay na walang iregularidad sa ginawang paggamit ng Kamara de Representantes sa pondo nito taliwas sa bintang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe naglabas ng sertipikasyon ang COA na may petsang Oktobre 2, 2023 na nagsasabi na hanggang noong Setyembre 30, 2023 ay walang notice of suspension, disallowance, o charge ang Kamara.

Sinabi ni Dalipe na noong Hulyo 6, 2023 ay naglabas ng report ang COA kung saan nakasaad na ito ay mayroong budget surplus na P4.69 bilyon noong 2022.

“Lahat ng kailangan na i-submit ng House of Representatives, lahat ng kung anong kailangan i-liquidate, ginagawa po ‘yan, nirereport ng House of Representatives sa Commission on Audit,” ani Dalipe.

“In fact, meron pong statement, in fact, kumuha ako mismo ng kopya ‘nung statement ng Commission on Audit wala pong notice of disallowance, wala pong notice of charge, wala pong notice of suspension ang ating House of Representatives. Ibig sabihin po clear po, walang problema ang House of Representatives tungkol sa anumang pondo na binibigay sa Kongreso para i-utilize at i-liquidate,” wika pa ni Dalipe.

Ginawa ni Dalipe ang pahayag matapos akusahan ni dating Pangulong Diterte ang Kongreso na hindi umano sinusuri ng COA.

Sinabi ni Dalipe na walang basehan ang sinabi ng dating Pangulo dahil dumaraan din ang Kamara sa masusing pagsusuri ng COA katulad ng ibang ahensya ng gobyerno.

Ang sertipikasyon umano ng COA ay indikasyon na nagagamit ng tama ng Kamara ang pondong inilaan dito.

“Malinis po ‘yung reporting, ang auditing na hinihingi po ng Commission on Audit. Hindi po exempted ang House of Representatives. Nagsa-submit po kami sa mga hinihingi ng Commission on Audit, sina-submit po namin lahat,” ayon pa kay Dalipe.

Sinabi ni Dalipe na maging ang mahigit 300 miyembro ng Kamara ay sinusuri ng COA.

Nauna rito ay hinamon ni Duterte ang COA na ilabas kung papaano ginagamit ng Kongreso ang pondo nito.

Ikinalungkot naman ng mga miyembro ng Kamara ang pahayag ni Duterte.

“Marami kaming congressman na incumbent ngayon sa 19th Congress, nagsilbi rin noong 18th Congress at hindi namin malimutan ‘yung mga hiningi ng dating pangulong Duterte na suporta mula sa Kamara de Representantes, sa Kongreso,” giit ni Dalipe.

“Lahat sinuportahan namin siya—from legislative agenda niya maski sa panahon ng COVID pandemic kung anong kailangan niya na batas o pondo, sinusuportahan siya ng Kongreso,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Dalipe na ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring may kaugnayan sa naging desisyon ng Kamara na ilipat ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na kapwa pinamumunuan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.

Ipinunto ni Dalipe na bukod sa OVP at DepEd ay mayroon ding iba pang ahensya na inalisan ng confidential funds gaya ng Department of Agriculture na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang namumuno.

Nauna rito, sinabi ni Vice President Duterte na kaya nitong mabuhay ng walang confidential funds.

Sinabi ni Dalipe na ang paglilipat ng confidential funds patungo sa mga ahensya na may kinalaman sa pagbibigay ng seguridad sa bansa ay bahagi ng pagbibigay ng solusyon sa problema sa West Philippine Sea (WPS).

Kasama sa nakinabang sa paglilipat ng pondo ng Kamara ay ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council, at Philippine Coast Guard na tumutulong sa mga mangingisda sa WPS.