Calendar
Kamara kinilala sa maingat na paglalaan ng confidential funds
MULING iginiit ni Occidental Mindoro Lone District Rep. Leody “Odie” F. Tarriela ang suporta nito sa desisyon ng Kamara de Representantes na ilipat ang confidential funds ng ilang ahensya para matugunan ang pangangailangan sa umiinit na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Tarriela na mahalaga ang ginawang hakbang ng Kamara bunsod ng pangangailangan na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino kasabay ng pangangalaga ng soberanya ng bansa.
“In these challenging times, we must prioritize the security and well-being of our citizens and assert our rights in the West Philippine Sea. The House of Representatives has indeed done the right thing by reallocating these funds to enhance our nation’s defense capabilities,” ani Tarriela.
Ginawa ni Tarriela ang pahayag sa gitna ng pagbangga ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) sa bangka na may dalang suplay para sa mga sundalo na nakadestino sa BRP Sierra Madre malapit sa Ayungin Shoal.
Sa kaparehong misyon ay nabangga rin ng isang Chinese Maritime Militia vessel ang sasakyan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi ni Tarriela na hindi aatras sa Pilipinas sa mga probokasyon ng China at ipagtatanggol ang integridad at soberanya ng teritoryo nito.
“Our government must stand firm and do whatever it takes to protect our interests. The House’s reallocation of funds to support our security agencies is a clear message that we will not be bullied or coerced,” dagdag pa ni Tarriela.