Valeriano

Mga agam-agam at pangamba ng CCBI pinawi ni Valeriano

Mar Rodriguez Nov 4, 2023
559 Views

PINAWI AT IWINAKSI ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang agam-agam ng grupong Chamber of Customs Broker Inc. (CCBI) na baka tuluyan ng mawalan ng trabaho ang mga “fresh graduates” ng Bachelor of Science in Customs Administration dahil sinasaklawan ng mga tinaguriang “attorney-in-fact” ang kanilang trabaho bilang mga customs broker.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na walang dapat ikabahala ang CCBI kabilang na ang mga estudyanteng magtatapos ng BSCA sapagkat sisikapin nito na ma-miyendahan o mabago ang probisyon ng Republic Act No. 10863.

Ang Republic Act No. 10863 o ang “Customs Modernization and Tariff Act of 2016” ay niratipikahan at pinagtibay noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagpapahintulot sa isang “Attorney-In-Fact” na humalili sa isang lisensiyadong Customs Broker na inalmahan naman ng CCBI.

Ipinaliwanag ng National President ng CCBI na si Anthony “Doc Tony” A. Cristobal na dahil sa ganitong kalakaran alinsunod sa itinatakda ng RA No. 10863, nawawalan aniya ng trabaho at papel ang mga lisensiyadong Customs Broker na ang pangunahing tungkulin ay inspeksiyonin ang mga dokumento ng mga kargamentong pumapasok sa Bureau of Customs (BOC).

Dahil dito, sinabi ni Cristobal na dumulog ang CCBI kay Valeriano upang tulungan silang ma-amiyendahan ang RA No. 10863 at maibalik ang dating probisyon ng Republic Act No. 9280 o ang “Customs Brokers Act” na nagtatalaga sa isang lisensiyadong Customs Broker na magsagawa ng inspeksiyon sa BOC.

Ayon naman kay Valeriano, sa pagbabalik ng regular session ng Kamara de Representantes sa darating na Lunes (November 06, 2023). Sisikapin nito na maisulong ang pag-aamiyenda sa RA No. 10863 sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas para sa nasabing layunin.