Calendar
Romualdez: Pinaplano ng Kongreso ang mas matapang na aksyon sa WPS.
PINAPLANO ng Kongreso na irekomenda sa Executive Department ang mas matapang na aksyon o sagot ng Pilipinas sa pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, maraming pamamaraan pa para tapatan ng Pilipinas ang pambu-bully ng China bukod sa mga diplomatic protest.
“For one, we can give what our Coast Guard and Navy need right away”, ayon kay Speaker Romualdez.
Dagdag pa niya, “another is allowing our allies to patrol the West Philippine Sea anytime para masiguro ang malayang paglalayag sa naturang lugar na hindi ginagambala nino man”.
Kamakailan kasi inakusahan ng China ang Philippine Navy na pumasok ito sa kanilang teritoryo sa Scarborough Shoal.
Mariing itinanggi ito ng Navy, kasabay ang sabi na nagpapatrolya lang ang BRP Conrado Yap sa Bajo De Masinloc sa Zambales, na bahagi naman ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Kung titingnan mo ang reaksyon ng mga tao sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea, galit sila at gusto nila ng mas matapang na hakbang ang gawin natin”, ani Speaker Romualdez.
Aniya, “ibigay sa mga pwersa natin na nag-o-operate doon ang kanilang pangangailangan tulad ng mga kagamitan gaya ng mga patrol boats na bigay ni Prime Minister Kishida”.
“We have to listen sa gusto ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng lider ng Kongreso.