Valeriano

Destabilisasyon “fake news” — Valeriano

Mar Rodriguez Nov 7, 2023
173 Views

OPTIMISTIKO si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na ang mga naglabasang “alingasngas” patungkol sa ikinakasang destabilization sa pangunguna ng mga retiradong military officials laban sa administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ay isa lamang “fake news”.

Binigyang diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na sana nga ay isa lamang aniyang “fake news” at maling impormasyon ang nakalap na balita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr. patungkol sa nasabing issue.

Bagama’t itinanggi at iginigiit ni Brawner na mayroon umanong nilulutong destabilization plot sa hanay ng AFP laban kay Pangulong Marcos, Jr. Subalit sinabi ni Valeriano na totoo man o hindi ang ikinakasang destabilization ay hindi ito magtatagumpay dahil may mga opisyal ng Hukbong Sandatahan ang nananatiling tapat sa kanilang propesyon.

Ipinaliwanag ni Valeriano na maaaring hindi makakuha ng suporta ang anomang pagtatangka na pabagsakin ang administrasyong Marcos, Jr. sapagkat marami sa mga opisyal ng AFP ang naniniwala na hindi sa pamamagitan ng destabilization mare-resolba ang problema ng bansa.

Naniniwala ang kongresista na marami din sa hanay ng AFP ang naninindigan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa halip na maglunsad ng destabilization plot laban sa pamahalaan na lalong magpapalala sa sitwasyon ng bansa. Kung saan, ang mamamayan aniya ang higit na maaapektuhan.

“We hope the report on destabilization among military personnel is indeed fake news. If some retired officials are making efforts we are certain that this will not succeed in view of the loyalty shown and the maintenance of peace expressly committed by both our AFP and PNP Chief,” ayon kay Valeriano.