Zaldy Co

Appropriations panel chair, tiwalang magiging mabilis pagsalang ng 2024 budget sa bicam

Mar Rodriguez Nov 8, 2023
170 Views

IKINALUGOD ni House appropriations committee chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang ulat na nagkasundo ang mga senador na alisin ang confidential at intelligence funds (CIFs) ng mga civilian agency.

“This jibes with or is a vindication of the decision of the House of Representatives to realign those appropriations. With such consensus, we foresee a smooth bicameral conference on the 2024 budget,” sabi ni Co.

Naniniwala si Co na ang pagsang-ayon ng mga senador na alisan ng CIF sa mga civilian agency at magpapabilis sa pag-apruba ng pambansang pondo para sa susunod na taon sa isasagawang bicameral conference committee meeting.

Matatandaan na inilipat ng Kamara ang confidential funds ng mga civilian office, kasama na ang Office of the Vice President at Department of Education, sa mga ahensya na nakatuon sa national security at pagbibigay ng proteksyon sa interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Ang desisyong itong Senado ay napagtibay sa isang caucus ngayong linggo.

Nauna rito ay mayroong lumabas na ulat na may mga senador na nais ibalik ang bahagi ng tinapyas na confidential funds ng Kamara.

Ayon naman kay Deputy Majority Leader at Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren ang desisyon ng mga senador ay sang-ayon sa saloobin g publiko batay na rin sa pinakahuling Octa Research survey.

Sa naturang survey lumabas na 57% ng mga Pilipino ang sang-ayon sa desisyon ng Kamara na ilipat ang confidential fund ng civilian agencies sa mga kagawaran na sumasakop sa national security.

Labing-apat na porsyento naman ang hindi sumang-ayon sa desisyon ng House leadership na alisin ang confidential funds ng ilang ahensya, kabilang ang P650 milyon na nasa tanggapan ng Office of the Vice President at Department of Education.

Pinakamataas ang pagsang-ayon sa Luzon, hindi kasama ang Metro Manila na naitala sa 75%, Metro Manila na may 65%, Visayas na may 46% at Mindanao na may 24%

Sa socio-economic groups, 72% ng pumabor ay mula sa class ABC (pinakamataas) habang 54% ang mula sa Class E (pinakamababa).

“The Octa survey results are an affirmation that we did the right thing,” sabi ni Pumaren.