Valeriano

Pagpapatigil ng POGO sa PH sinuportahan

Mar Rodriguez Nov 15, 2023
176 Views

SINUSUPORTAHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang panukala na huwag lamang “i-regulate” ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) kundi ang tuluyang pagpapatigil ng operasyon nito sa bansa.

Binigyang diin ni Valeriano na panahon na para tuluyang mapahinto ang operasyon ng POGO matapos na matuklasan mismo ng mga law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pagiging “prostitution den” ng POGO.

Sinabi ni Valeriano na mistulang nagkukubli na lamang ang POGO sa pagiging isang “gambling operation” subalit ang nasa likod pala nito ay isang malawak na operasyon ng prostitution den at posibleng nagsisilbi din itong bagsakan ng illegal na droga dahil sa pagiging “untouchable” nito.

Ayon sa kongresista, napakahirap “i-regulate” ang POGO sa bansa dahil narin sa ginagawang pananamantala ng mga taong nasa likod ng operasyon nito. Kung saan, mistulang inaabuso umano ng mga POGO operators ang polisiya o patakaran ng panahalaan kaya patuloy ang kanilang pamamayagpag.

Iginigiit ni Valeriano na hindi dapat hintayin pa ng gobyerno na mas lumala pa sa pagkakaroon ng gambling den ang operasyon ng POGO. Sa halip, dapat na itong kumilos para tuluyang mapahinto na ang operasyon nito sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).