Calendar
Construction worker kinatay sa Malabon
PATRAYDOR na pinagsasaksak ng isang lalaki ang binatang construction worker na una na niyang pinaghinalaang nagpaparinig ng masasamang salita sa kanya sa isang inuman sa Malabon City.
Namatay din ang biktimang si Tolits Bosotros, 21, ng Sanciangco St., Bgy. Catmon sanhi ng mga tinamong sugat sanhi ng maraming saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang mabilis na tumakas patungo sa hindi natukoy na lugar ang suspek na nakilalang si Reymart De Lima, alyas “Ompok”, dala ang patalim na ginamit sa pagpatay.
Sa kanilang ulat kay Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, sinabi nina Homicide investigators P/SSgt. Jeric Tindugan at P/Cpl. Rocky Pagindas na bago nangyari ang karumaldumal na pagpatay, kapwa nag-iinuman sa magkahiwalay na mesa ang grupo ng biktima at grupo ng suspek sa Merville Subdivision Linggo ng hapon.
Sa kasagsagan ng pag-iinuman, naging maingay umano si Bosotros at sa pag-aakala ni Ompok na siya ang pinariringgan, tumayo upang komprontahin ng biktima subalit bago pa magkaroon ng mainitang pagtatalo ay inawat na ng kanyang mga kainuman ang suspek.
Nang matapos na ang pakikipag-inuman ng biktima, naglakad na siyang pauwi dakong alas-3:20 ng hapon subalit lingid sa kanyang kaalaman, palihim na pala siyang sinundan ng suspek at pagsapit sa bahagi ng Eusebio St., Merville Subdivision, Bgy. Dampalit, patraydor ng inundayan ng sunod-sunod na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas.
Iniutos na ni Col. Barot ang malawakang pag-tugis sa salarin habang isasailalim naman sa autopsy examination ng medico-legal officer Northern Police District (NPD) Crime Laboratory ang bangkay ng biktima sa Nate Funeral Homes.